ABORLAN, PALAWAN — Sa pangunguna ng KEAP Scholarship Coordinator Annabel Lagrada, nagtungo ang mga kawani ni Kabaranggay Cong. Gil P. Acosta sa WPU Main Campus sa Aborlan, upang magkaloob ng scholarships at magkaroon ng pagsusuri sa mga dati nang iskolar ng KEAP.
Mahigit isandaang iskolar ng KEAP at mga bagong aplikante ng programa ang dumating sa Gymnasium ng paaralan upang magpa-evaluate at magpatuloy sa programa.
Nagsagawa rin ng eleksyon para sa mga panibagong opisyales ang mga iskolar ng Kabarangay Educational Assistance Program o KEAP sa naturang Unibersidad. Ang programang ito ay kanyang pinag-uukulan ng pansin sa tulong ng Commission on Higher Education o CHED at Tulong Dunong Program.
Si Johanna Lorzano, isang 4th year Business Administration student, ang naluklok na bagong Presidente ng samahan. Ayon kay Lorzano, “ini-expect ko po na marami pa pong matutulungan si Kabarangay Congressman Gil P. Acosta, sa pamamaraan po ng pagbibigay ng financial assistance sa mga estudyante at pinapangako ko din po na makakapagtapos ako ng pag aaral sa tulong din po ni Kabarangay Gil P. Acosta.”
Samantalang si Glaidel Grace Abrina naman na isang Elementary Education student ang nahalal bilang Bise-Presidente, at ayon sa kanya, “ini-expect ko dito sa scholarship na ito, na sana marami pang matulungan, at sana sa mga natulungan na ni Congressman ay dapat worth it naman yung mga itinulong nya, yung mga mag aayos sila ng pag aaral, yung para hindi masayang yung tulong ni Congressman.”
Si Mark Lee Dagomboy naman ang naluklok na bagong Sekretarya at si Romnick Paoner ang tagapag Ingat-Yaman, si Abdul rauf Abdullah sa Auditor at ang mga Public Relations Officer sa bawat kolehiyo na sina Isaac Jay Dagomboy sa CCJE, Lorielyn Cabiguen ng College of Business & Management (CBM), Carlyn Rose Bacani sa College of Engineering & Technology (CET), Joy Mark Tindog sa CAFES, Wenely Segura sa College of Arts and Sciences (CAS) at si Angelika Castano ng College of Education (CED).
Ito ay upang mapabilis ang pagsangguni at palitan sa paghahatid ng impormasyon mula sa tanggapan at sa mga scholars sa pamamagitan ng mga naluklok na opisyales ng KEAP.
Ang naturang programa ay naglalayong magbigay ng ayuda sa mga kabataang nais mag aral subalit walang sapat na kakayahan upang matustusan ang kanilang pangangailangan. Kung kaya’t upang makatulong sa panggastos sa uniporme, aklat at iba pang bayarin sa paaralan, anim na libo ang ipinagkakaloob ng programa sa bawat estudyanteng naging benepisyaryo nito.