Dumagsa sa main gate ng Provincial Capitol ang mga stranded na Palaweño na nagnanais nang makauwi sa kanilang mga lugar.
Ayon sa mga nakausap ng Palawan Daily News, ito matapos nilang mabasa sa Facebook post na sa kapitolyo kailangang kumuha ng mga requirements bago sila papayagang makabalik sa kanilang mga munisipyo.
Pero pagdating sa gate, laking gulat ng mga stranded passengers dahil iba ang nakasulat na prosesong kailangang gawin base sa papel na nakapaskil sa labas ng main gate.
Ayon kay Edwin Cajelo, security personnel ng kapitolyo, mas marami pa ang sumugod sa gate kanina pero naipaliwanag naman anya nila ng maayos sa mga ito ang proseso.
“Napakarami kaya magulo talaga kanina at nag-umpukan ang tao pero naipaliwanag narin namin sa kanila. Nalito lang sila pero ngayon ayos narin at napaliwanag narin namin sa kanila ang proseso,” ani Edwin Cajelo sa panayam ng Palawan Daily
Base sa inilabs na kalatas ng Provincial Government, narito ang tatlong hakbang sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento bago papayagang makauwi sa kanilang mga munisipyo ang stranded passengers na nasa lungsod.
Una, kailangang kumuha muna ng BHERTs Monitoring Certification o kaya’y Barangay Certification na patunay na ang stranded passenger ay nakapag-quarantine na sa kanilang barangay.
Ikalawa, dalhin ang BHERTs Monitoring Certification/Barangay Certification at pumunta sa health officer para makakuha naman ng Medical Clearance.
Maaari itong kunin sa City Health Office sa Mendoza Park tuwing Lunes, Miyerkules at Huwebes habang sa Provincial Health Office naman ay tuwing Martes, Miyerkules at Huwebes, mula alas otso ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon.
Ikatlo, dalhin na ang dalawang clearance/certification na ito sa PPC Emergency Operations Center (EO) sa City Coliseum sa Barangay San Pedro para naman makakuha ng Travel Pass o Travel Authority.
Samantala, hiling naman ng ilang stranded passengers na kung maaari ay gawin na lamang isahan ang lugar ng pagkukuhaan ng mga nabanggit na requirements dahil sa kapos narin anila sila sa panggastos tulad ng pampamasahe dahil sa magkakalayo ang mga tanggapan kung saan sila kukuha ng mga clearance.
“Balabac at ‘yung iba sa Cuyo pa pauwi at matagal na kaming stranded dito, wala narin kaming pera tapos pabalik-balik kami e mahal din ang pamasahe. Sana ay gawin nalang nilang one-stop shop ‘yung pagkuha ng requirements para hindi kami pabalik-balim dahil wala na po kaming pang pamasahe,” apela ng ilan sa mga stranded passengers na nakusap ng Palawan Daily.