LGU-Odiongan, nanguna bilang ‘Most Competitive Municipality’ sa Mimaropa

Pinasalamatan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ang lahat ng opisyal ng munisipyo, mga ahensiya ng gobyerno, DTI at bawat mamamayan ng Odiongan kung saan hiniling nito na sana ay patuloy na magkaisa at magtulungan para sa minimithing pag-unlad ng munisipyo.(Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

ODIONGAN, Romblon — Tinanghal na Top 1 Most Competitive Municipality sa Mimaropa Region ngayong 2018 ang pamahalaang bayan ng Odiongan batay sa datus na nilabas ng National Competitiveness Council (NCC) na isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, ang mga naging batayan ng NCC para mahirang na pang-una ang LGU-Odiongan ay ang sumusunod: economic dynamism, government efficiency, infrastructure, at resiliency.

Napatunayan aniya ng lokal na pamahalaan katuwang ang ibang ahensiya ng gobyerno na higit na kailangan ang pagkakaisa tungo sa pagbabago upang matiyak at mapatatag ang larangan sa pagnenegosyo para mapanatili at makapagbigay ng trabaho; magkaroon ng serbisyong medikal ang mga tao at mayroong kompletong pasilidad na mapakinabangan ng lahat.

Aniya, para umunlad ang bayan ay kailangang kumilos ang lahat kesa mag-focus sa pamumulitika. Hinimok ng alkalde ang mga mamamayan na maghawak-kamay sa paglikha ng mga polisiya at mga pangmatagalang hakbang para sa pagsulong ng ekonomiya.

“Hindi ito ang panahon para maghilahan tayo pababa, bagkus kailangan natin magtulungan para umangat. Ngayon pa na nakikita na natin ang pag-unlad ng ating bayan,”pahayag ni Fabic.

Maliban sa pag-angat sa pwesto ng Odiongan sa rehiyon sa ranking ng The Cities and Municipalities Competitiveness Index, tumaas rin ang pwesto ng Odiongan sa pangkalahatan.

Ayon pa kay Fabic, batay sa nationwide rankings, ang Odiongan ay pang 259 sa Economic Dynamism sa 489 LGUs sa buong Pilipinas. Ang Economic Dynamism ay may kinalaman sa mga aktibidad na naglilikha ng matatag na pagpalawak sa industriya o negosyo at pag-e-empleyo.

Sa Government Efficiency ay pumang-siyam ang Odiongan sa napiling 489 LGUs sa bansa. Ang Government Efficiency ay tumutukoy sa kalidad at katatagan ng pamahalaang serbisyo at suporta para sa pangmatagalang at produktibong pagpalawak.

Sa Infrastructure naman, nasa ika-33 pwesto ang Odiongan sa 489 LGUs sa Pilipinas. Ang Infrastructure Category ay tumutukoy sa pisikal na katayuan na nag-uugnay, pagpalawak, at pagpanatili sa lokalidad at kapaligiran nito upang mapadaloy ang mga produkto at serbisyo.

Kaugnay sa Resiliency, nasa pang 102 ang Odiongan sa 489 LGUs sa Pilipinas. Ang Resiliency ay kakayahan ng lokalidad sa madaliin ang negosyo o industriya upang makalikha ng mga trabaho, maiangat ang produksyon at maitaas ang kita ng mga mamamayan sa kabila ng nakakagimbal at matinding pinagdadaanan.

Matatandaan na noong 2016 nasa pang-404 na pinaka-competitive na munisipyo sa Pilipinas ang Odiongan at umangat ito sa Cities and Municipalities Index ng DTI/National Competitive Council bilang pang ika-132 noong 2017. Ngayong 2018 ay pang 47 na ang Odiongan sa kabuuang sa mahigit na 1,360 municipalities sa buong bansa.

Samantala, batay sa Most Competitive Municipality sa buong rehiyon; mula sa pang-24 sa Mimaropa noong 2016, naging pang-pito noong 2017. Ngayon nasa  na ang itinuturing commercial town ng lalawigan.

Dahil dito, pinasalamatan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ang lahat ng opisyal ng munisipyo, mga ahensiya ng gobyerno, DTI at bawat mamamayan ng Odiongan kung saan hiniling nito na sana ay patuloy na magkaisa at magtulungan para sa minimithi pag-unlad ng munisipyo.(RS/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Exit mobile version