ROMBLON — Kasabay ng selebrasyon ng 23rd Police Community Relations Month, ginawaran ng parangal ng Romblon Provincial Police Office (PPO), Romblon Municipal Police Station (MPS) at mga tauhan na nararapat sa serbisyo at nagpakita ng kaaya-ayang pag-ganap sa kanilang tungkulin.
Ang culminating activity ng 23rd PCR Month ng Police Regional Office Mimaropa ay ginanap sa Camp Efigenio C. Navarro sa lungsod ng Calapan na may temang “Tapat na Serbisyo at Paglilingkod ng Kapulisan Kaagapay ang Mamamayan, Hatid ay Kaunlaran”.
Ipinagkaloob nina Police Chief Supt. Emmanuel Luis Licup, Regional Director ng Police Regional Office Mimaropa at ni Dr. Benjamin D. Paragas ng Department of Education Mimaropa ang parangal sa Romblon PPO bilang “Outstanding PPO of the Year for PCR” at Romblon MPS bilang “Outstanding MPS of the Year for PCR.”
Pormal na tinanggap nina PSSupt. Leo E. Quevedo at Police Senior Inspector Gemie M. Mallen ang nasabing parangal.
Ang natanggap na pagkilala ay bunga ng mga magagandang nagawa sa komunidad ng kapulisan sa Romblon, pagpapanatili ng peace and order gayundin ang malakas at matibay na police community partnership.
Maliban sa nakuhang parangal ng Romblon Municipal Police Station, kinilala rin bilang Outstanding Senior PCO of the Year for PCR si Police Supt. Raquel Martinez at ginawaran ng plaque of recognition naman si Mayor Mariano M. Mateo ng Romblon, Romblon dahil sa patuloy at hindi matawarang pagsuporta nito sa mga programa ng Police Regional Office.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)