Ang Romblon Police Provincial Office ay nakatanggap ng siyam na bagong patrol cars mula sa Police Regional Office-Mimaropa na pormal na na-turnover kamakailan sa Camp Efigenio C. Navarro, Lungsod ng Calapan.
Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, spokesperson ng Police Regional Office-Mimaropa, ang siyam na nabanggit na patrol cars ay bahagi lamang ng 35 na patrol cars na ipinagkaloob sa mga police stations sa Mimaropa bilang bahagi ng PNP’s Capability Enhancement Program.
Pinangunahan ni Police Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., regional director ang pagtanggap ng mga sasakyan mula sa national headquarters gayundin ang pagtu-turn over ng mga ito sa mga Police Provincial Office sa buong rehiyon.
Tinukoy ni Police Senior Inspector Ledilyn Y. Ambonan, spokesperson ng Romblon Police Provincial Office, ang mga police stations na makakatanggap ng nasabing sasakyan ay kinabibilangan ng Alcantara MPS, Cajidiocan MPS, Looc MPS, Magdiwang MPS, San Fernando MPS, Sta. Fe MPS, Odiongan MPS, Sta. Maria MPS at isa naman sa Provincial Head Quarters.
Layunin aniya ng pagkakaloob ng mga nasabing logistical equipment ay upang masiguro na ang mga PNP Personnel ay nasa field para mas maging epektibong magawa ang kanilang mga tungkulin na panatilihin ang seguridad, kaayusan at katahimikan ng pamayanan.
Maliban pa sa nasabing sasakyan, pinamahagi rin aniya ng Police Regional Office-Mimaropa ang ilang NEGEV 7.62mm na baril kasama ang mga bala at Level III Combat Helmet.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)