Palawan, dadalhin ang tourism deals at investment opportunities sa Cebu

Photo courtesy to PIO-Palawan

Target ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na palawakin ang tourism market nito sa Visayas sa pamamagitan ng pagsali nito sa travel and trade expo sa Cebu na inaasahang magbubukas ng bagong bookings, business partnerships at investment opportunities para sa mga tourism enterprise sa lalawigan.
Gaganapin ang World’s Best Island Travel and Trade Expo 2026 sa Ayala Center Cebu sa Cebu City mula Oktubre 23 hanggang 25, kung saan ilalapit ng Palawan ang mga hotel, resort, tour operator, transport provider at iba pang tourism businesses nito sa mga travel agency, corporate buyer at iba pang kliyente mula sa Visayas.
Inilatag ang plano para sa expo sa isang press conference noong Agosto 18 sa Princesa Garden Island Resort sa Puerto Princesa City, na dinaluhan ng mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan at Palawan Tourism Council sa pangununa ng president nitong si Rix Rafols.
Sa halip na umasa lamang sa conventional tourism promotions, layunin ng WBI 2026 na gawing mas direkta ang ugnayan ng mga tourism operator ng Palawan sa mga kumpanyang maaaring magbenta, mag-book o mamuhunan sa kanilang mga produkto at serbisyo.
Sa temang “Beyond Paradise: Connecting Islands, Creating Opportunities,” magkakaroon ng consumer sales, business-to-business meetings at Tourism Investment Forum sa loob ng tatlong araw.
Ayon sa mga organizer, bahagi ng itinutulak na mensahe sa Cebu ang accessibility ng Palawan. Kabilang sa mga rutang ipopromote ang mga direktang koneksyon mula Cebu patungo sa Puerto Princesa, El Nido at Busuanga, na maaaring gamitin ng mga biyahero sa pagbuo ng multi-destination trips.
Inaasahang dadalo sa expo ang nasa 8,000 visitors, habang target naman ng organizers na makapagtipon ng 60 buyer companies at makapagdaos ng 250 B2B appointments.
Itinakda rin ng WBI 2026 ang target na ₱25 milyon halaga ng bookings, kabilang ang mga transaksiyong gagawin mismo sa expo at bookings na makokolekta sa loob ng 30 araw matapos ang event.
Para naman kay Gov. Amy Roa Alvarez, ang mas malawak na ugnayan sa mga local government unit, nongovernment organizations at iba pang tourism stakeholders ay mahalaga upang mapalakas hindi lamang ang promosyon kundi pati ang imprastraktura at kapasidad ng Palawan bilang destinasyon.
Sinabi ni Alvarez na ang sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor ay makatutulong upang higit pang mapaunlad ang turismo at mapataas ang bilang ng mga bisita sa lalawigan.
Ang expo ay bahagi ng PALAWAN + PLUS Development Agenda ng provincial government, na naglalayong gamitin ang turismo bilang isa sa mga pangunahing daan para palawakin ang economic opportunities para sa mga negosyo, manggagawa at mga komunidad na umaasa sa industriya.
Exit mobile version