30,000 sako ng NFA Rice, dumating na sa Romblon

Ang mga opisyal ng NFA-Romblon Provincial Office habang nagsasagawa ng inspeksiyon sa 30,000 sako ng bigas na dumating sa pantalan ng Romblon. (Larawan ni Romulo Aldueza/NFA-Romblon)

ROMBLON, Romblon — Dumating na noong sa pantalan ng Romblon ang 30,000 sako ng bigas ng National Food Authority para sa mga consumers sa probinsiya ng Romblon na lulan sa Martam barge na naglayag galing ng Batangas.

Sinabi ni NFA Provincial Manager Romulo O. Aldueza na ididiskarga sa Romblon port ang 20,000 sako ng bigas na nakalaan para sa isla ng Romblon, Tablas, Banton at Corcuera samantalang ang natititrang 10,000 sako nito ay ihahatid ng barge sa Azagra port sa isla ng Sibuyan.

Ang 10,000 sako ng NFA rice para sa Sibuyan island ay paghahatian ng mga NFA accredited outlets sa bayan ng San Fernando, Cajidiocan at Magdiwang.

Sinimulan na rin agad ang paghahakot ng bigas sa warehouse ng NFA sa bayan ng Romblon at sa susunod na mga araw ay dadalhin na rin sa bayan ng Odiongan ang nakalaang bigas para sa Tablas island.

Tiniyak ng NFA – Romblon Provincial Office na mayroon pang sapat na suplay ng bigas sa lalawigan at nagpapatuloy pa rin ang kanilang procurement kahit hanggang Agosto na lang magbebenta ang NFA sa merkado matapos maisabatas ang Rice Tarification Law kung saan tututok na lang ang ahensya sa buffer stocking.

Ayon pa kay Aldueza, magpapatuloy pa rin ang NFA sa pagbebenta ng bigas sa mga susunod na buwan kahit pa hanggang Agosto na lamang dapat dahil mayroon daw bagong kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte sa NFA na magbenta pa rin ng bigas pero sa mga mahihirap na lang.

Makikipag-ugnayan na rin aniya ang kanilang ahensya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa listahan ng mga mahihirap na siyang maaaring mag- avail ng NFA rice. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Exit mobile version