Puerto Princesa, hihilingin sa pangulo na amyendahan ang Presidential Proclamation 718

Nakatakdang hilingin ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay na ang buong kapangyarihan sa City Government bilang chairman ng Local Inter-Agency Committee (LIAC) na nabuo sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 718 upang mas maayos nilang maipatupad ang mga probinsyon ng naturang batas.

Ang kahilingan sa pag-amiyenda sa nasabing batas ang isa sa mga naging produkto ng talakayan ng City Council kahapon kaugnay ng pagpapailaw sa mga kabahayan sa Sitio Tagbarungis, Brgy. Inagawan-Sub.

Ang Presidential Proclamation No. 718 ay naglalaan ng mga bahagi ng lupang parte ng Iwahig Penal Colony sa Lalawigan ng Palawan at dineklarang “Civil Reservation for Resettlement and Agricultural Sites purposes.”

Napagkasunduna din ang paghahain ng isang resolusyon na humihiling kay Pres. Duterte na atasan ang kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)  o ang dating Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na pangunahan ang pag-reconvene ng LIAC na binubuo ng HUDCC bilang Chairman, ng Government of Puerto Princesa bilang Co-Chair, Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Presidential Commission for the Urban Poor, at kinatawan ng  People’s Organization sa lugar bilang mga miyembro.

Kasama rin sa mga naunang kahilingan ay ang mungkahi ni Kgd. Jimbo Maristela kay Third District Rep. Gil Acosta Jr. na magpasa ng panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na i-reclassify ang lupaing sakop ng Presidential Proclamation No. 718 na maging alienable and disposable lands at ganap na maging resettlement area ngunit hindi ito naaprubahan sa Konseho at nakatakda pang talakayin sa committee level.

Tinalakay ang usapin sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod Lunes ng umaga, March 22, 2021, dahil sa pagnanais ng Konseho na maliwanagan kung bakit hindi pa rin nakakabitan ng ilaw ang mga kabahayan ng Sitio Tagbarungis sa kabila ng may naaprubahan nang resolusyon para rito. Kaugnay nito ay inimbitahan ang City Legal Officer, ang Housing and Homesite Regulation Officer ng siyudad, ang punong barangay ng nasabing lugar at ilang residente.

PALIWANAG NG CITY LEGAL OFFICE

Unang ipinaliwanag ni City Legal Officer Norman Yap na sa pagpatupad ng nasabing kahilingan ng Pamahalaang Panlungsod, kailangan munang sundin ang mga umiiral na batas. Bago kasi mabigyan ng electrical permit ay kailangang may titulo ang lupa o contract of lease upang maiwasang mabalikan ng kaso ang mga nasa pamunuan. Giit niya, kailangang sundin ang nakatadhana sa Presidential Proclamation No. 718, ang RA 7279 o ang “Urban Development and Housing Act of 1992” at ang Presidential Decree No. 1096 (National Building Code of the Philippines), kabilang na ang maingatang hindi maging parte ang siyudad sa pagdami ng mga professional squatters, maingatan ang mangrove areas, ang foreshore areas, at maipatupad ang 40-meter easement zone.

Ayon naman kay Kgd. Herbert Dilig, malinaw na nakasaad na hindi kasama sa proklamasyon ang mangrove areas, swampy areas at buffer zones at isinantabi lamang ang nabanggit na lupain upang maging resettlement ngunit nanatili itong timberland kaya kailangan pang ideklarang alienable and disposable land. Tinuran din niyang ang proklamasyon ay hindi tenurial instrument.  Aniya, sa ngayon ay may kaunting gulo ukol dito dahil dumami na ang mga squatters sa bahaging iyon.

Bunsod nito, sa susunod na linggo ay iimbitahan ang PALECO at ang National Electrification Administration para magpaliwanag kung bakit umano nakakabitan ng linya ng kuryente kahit ang mga walang kaukulang dokumento.

HINAING

Sa kabilang dako, hinaing naman ng isang residente na si June Bundal, matagal na nilang inasam-asam na magkaroon ng ilaw sa kanilang lugar. Tanong pa niya, bakit ang mga puno ay nalagyan ng ilaw gayung silang tao ay walang maayos na pailaw. Tinutukoy nito ang mga puno ng acacia na pinailawan ng siyudad ngayong taon.

Ibinahagi ni Bundal na malaki ang naiaambag ng Sitio Tagbarungis sa ekonomiya ng Puerto Princesa dahil sa mga natural nitong yamang-dagat at mga produktong mula sa lupaing pang-agrikultura.

Sa ipinaabot na impormasyon sa City Council, tiniyak naman umano ni Kapt. Benjie Salazar na malayo sa mangrove area ang mga kabahayang balak na pakabitan ng ilaw ng Pamahalaang Panlungsod.

Exit mobile version