Inaasahang makakaranas ng sunod-sunod na pag-ulan ang hilagang bahagi ng Palawan sa mga darating na araw bunsod ng umiiral na timog-kanlurang hangin at isang frontal system, ayon sa ulat ng PAGASA nitong Miyerkules, Mayo 28.
Sa isinagawang climate forum, sinabi ni PAGASA weather specialist Ana Clauren-Jorda na ang mga pag-ulang ito ay maaaring magsimula na ngayong Huwebes, Mayo 29, at magpatuloy hanggang Linggo, Hunyo 1 — na posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mabababang lugar at bulubunduking komunidad.
“We expect light to moderate to, at times, heavy rains, especially from Friday to Sunday, due to the southwesterly wind flow,” ani Clauren-Jorda, sabay banggit na kasama sa mga maaapektuhan ang northern Palawan.
Ang nasabing southwesterly wind flow ay itinuturing na hudyat ng papalapit na habagat — ang tradisyunal na tag-ulan sa Pilipinas na kadalasang may kasamang malalakas na buhos ng ulan at malawakang epekto sa agrikultura at transportasyon.
Sa kasalukuyan, patuloy ring nakaaapekto sa hilagang bahagi ng Luzon ang isang frontal system na nagdadala ng malamig at mainit na hangin, na nagiging sanhi ng pag-ulan sa Batanes, Babuyan Islands, at Cagayan. Ngunit para sa Palawan, ang banta ay nasa posibleng biglaang pagbuhos ng ulan sa mga susunod na araw.
“This is what we need to prepare for because from Friday until the weekend, continuous rains may trigger flooding and landslides, especially in low-lying and mountainous areas,” babala pa ni Clauren-Jorda.
Habang wala pang pormal na deklarasyon ng tag-ulan, sinabi ng PAGASA na ang inaasahang pattern ng pag-ulan ngayong linggo ay maaaring magsilbing paunang senyales ng opisyal na pagsisimula ng rainy season sa bansa.
Para sa mga residente ng hilagang Palawan — kabilang ang mga bayan ng Taytay, Roxas, at San Vicente — panibagong pagsubok na naman ito sa kakayahan ng komunidad na maging handa sa harap ng kalikasan. Sa mga lugar na dati nang naapektuhan ng pagguho ng lupa at bahang dulot ng malalakas na ulan, ang banta ng paparating na habagat ay hindi basta-basta isinasantabi.
Nagpaalala rin ang PAGASA sa mga lokal na pamahalaan at disaster response teams na bantayan ang mga critical zone, lalo na ang mga tabing-ilog, mababang komunidad, at matataas na bahagi ng kabundukan kung saan madalas maganap ang landslide.
