24 na cruise ships, inaasahang darating sa Puerto Princesa sa susunod na taon

Ang muling pagbisita ng MV Costa Serena sa Puerto Princesa noong Enero 13

Nasa dalawampu’t apat (24) na cruise ships umano ang inaasahan na dadaong sa pantalan ng Puerto Princesa sa susunod na taon, ito’y ayon sa City Tourism Department.
Ayon kay Supervising Tourism Operations Officer and Marketing Division ng City Tourism Department (CTD) na si Mich Hitosis-Meneses, inaasahan ang nasabing bilang batay na rin sa ibinahaging listahan sa kanila ng Philippine Ports Authority (PPA).
Mula Enero hanggang sa kasalukuyan ngayong taon, sinabi ni Meneses na 14 na cruise ships na ang dumating sa lungsod, habang anim pa ang inaasahang darating bago matapos ang taon.
Pinakamarami rito ay noong Enero kung saan nakapagtala ang lungsod ng sunod-sunod na pagbisita ng barko na kinabibilangan ng MV Norwegian Sun, MV Costa Serena, MV Luminara ng The Ritz-Carlton, at MV Star Navigator.
Batay sa pinakahuling datos naman ng City Tourism Department noong Hunyo, umabot na sa 395,945 ang kabuuang bilang ng mga turistang naitala sa Puerto Princesa. Pinakamarami sa mga ito ay nagmula sa Estados Unidos.
Samantala, noong taong 2025 ay naitala ng Puerto Princesa ang pinakamataas na bilang ng cruise arrivals, na umabot sa 20 cruise ships na may sakay na humigit-kumulang 27,023 pasahero at 13,042 tripulante.
Exit mobile version