Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamamahagi ngayong araw, Hulyo 23, ng bigas sa mga pamilyang benepisyaryo sa lungsod ng Puerto Princesa gayundin ang pamamahagi ng pinansyal na tulong para sa mga Presidential Scholars at iba pang suporta sa 66 na barangay.
Ang naturang pamamahagi na isinagawa sa Edward S. Hagedorn (ESH) Coliseum ay bahagi ng Local Government Support Fund (LGSF), isang pondong direktang ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan upang mapalawak ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at programa sa kanilang mga nasasakupan.
Sa ilalim ng programa, bawat barangay sa Puerto Princesa ay makakatanggap ng tig-P200K na tulong. Sa halagang ito, P100K ang nakalaan para sa limang Presidential Scholars kung saan bawat isa ay makakatanggap ng P20K. Kabuuang 333 na scholars naman ang napili sa 66 na barangay sa lungsod. Ang natitirang P100K naman ay inilaan para sa mga kinakailangang kagamitan ng bawat barangay.
Bukod dito, mahigit 16,000 pamilyang benepisyaryo sa lungsod ang makatatanggap ng tig-10 kilong bigas bawat buwan sa loob ng anim na buwan ngayong taon sa ilalim ng Bawat Barangay Makikinabang (BBM) Program.
Ayon sa pangulo, layunin ng programa na mapabilis ang paghahatid ng tulong sa bawat Pilipino at mapalakas ang suporta sa edukasyon, pagpapalawak ng mga serbisyong ibinibigay ng mga barangay, at pagpapabuti ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Samantala, una nang pinasinayaan ni Marcos ang pinakamalaking dam sa Palawan na Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) na matatagpuan sa bayan ng Aborlan. Pinondohan ito ng humigit-kumulang P886 million at layuning tulungan sa patubig ang 425 na farmers sa mga barangay ng Sagpangan, Iraan at Isaub.














