PALECO, sisiguruhun na walang blackout sa araw ng halalan

Photo by Sev Borda III/Palawan Daily News

Puspusan na umano ang paghahanda ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa paparating na May 9 National and Local Elections upang maiwasan ang alin mang aberya sa araw mismo ng halalan.

Ayon kay Rex Ruta tagapagsalita ng PALECO, iniiwasan ng kanilang tanggapan na magkaroon ng aberya sa kuryente sa mismong araw ng halalan at kabilaang clearing operations ang kanilang isinasagawa.

“Nagasagawa na tayo ng mga scheduled power maintenance. Ang ginawa ng PALECO ay nagsagawa ng massive clearing partikular doon sa mga puno na kailangan i-maintain, bawasan ng mga sanga na maaring makaapekto nga dito sa daloy ng kuryente,” saad ni Ruta.

Dagdag pa ni Ruta, kahit ganito pa man ay hindi parin masisiguro ng kooperatiba na walang mangyayaring aberya.

“Hindi naman talaga natin masiguro na wala talagang interruption sa darating na eleksyon ay maiwasan lang natin yung mga bagay na dahilan ng pagkawala ng kuryente,” dagdag pa ni Ruta.

“Ito yung hindi natin masasabi kasi marami pang challenges o mga puwedeng maging dahilan ng power outage at alam natin na may mga bagay tayo na mga sistema doon na hindi talaga natin ma-prevent o malalaman. Pero ang masisiguro ng PALECO sa ating mamamayan na gumagawa tayo ng preventive measures ng paraan na para habang wala pa itong eleksyon,” saad pa nito.

Ayon naman kay COMELEC Election Officer Shiela F. Sison, nakahanda naman ang kanilang mga VCM kung sakaling mawalan ng kuryente sa mismong araw ng halalan.

Aniya, “pagbrownout naman kasi po mayroon naman po kaming battery na nakakabit na sa ating machine. Hindi po basta-basta namamatay yung ating machine dahil may backup battery kami na agad na nakakabit just incase po na mag brownout ay tuloy-tuloy parin po tayo.”

Samantala, kahit sa mismong araw ng eleksyon ay fully operational parin umano ang PALECO at may mga nakahanda na umano silang mga tao kung sakaling may hindi inaasahang pagkawala ng daloy ng kuryente.

Exit mobile version