Pinuna ng dating konsehal na si Atty. Jimbo Maristela ang planong pangungutang ng pamahalaang panlungsod ng ₱963,372,049.60 para sa walong proyekto, kabilang ang ₱110 milyon na flood control project. Aniya, napondohan na ito noon ng ₱120 milyon, kaya’t hindi na dapat mangailangan ng panibagong utang.
Ayon kay Maristela, hindi na dapat pang mangutang ang lungsod lalo na’t patapos na ang termino ni Mayor Lucilo R. Bayron at nalalapit na ang eleksyon. Ipinunto rin niya na Nobyembre pa sumulat ang alkalde sa Sangguniang Panlungsod tungkol sa loan, kaya mas mainam na hintayin na lamang ang magiging resulta ng halalan.
“Sana matapos muna ang eleksyon. Kung sino man ang iboto ng taumbayan, siya ang dapat magdesisyon kung kinakailangan pang mangutang,” ani Maristela.
Mga Proyektong Popondohan ng Pautang:
– Pagtatayo ng 2-palapag na palikuran na may shower at storage sa Sports Complex Oval at Senior Park – ₱29.7 milyon
– Reblocking ng San Pedro-San Manuel Parallel Road – ₱64.9 milyon
– Pagpapalawak ng Kamuning-Inagawan Road na may sidewalk at drainage – ₱111.8 milyon
-Rekonstruksyon ng Luzviminda-Mangingisda Road na may sidewalk at drainage – ₱178.7 milyon
– Asphalt overlay ng BM Road sa San Pedro – ₱38.5 milyon
-Flood Control Project mula Peneyra patungong Puerto Princesa Bay – ₱110 milyon
– Integrated Solar Streetlights, pagkukumpuni ng underground cabling, at dekorasyong ilaw sa Balayong Trees – ₱119.4 milyon
– Pagsasemento, pagbubukas, at pag-gravel ng Sta. Lucia Environmental Estate Road Network Phase II – ₱310 milyon
Noong Nobyembre 18, 2024, inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang Resolution No. 1534-2024, na nagbibigay ng awtorisasyon kay Mayor Bayron upang makipagnegosasyon sa anumang bangko ng gobyerno para sa nasabing pautang.
Samantala, noong Disyembre 2, 2024, muling ipinasa ang Resolution No. 1572-2024, na nagbibigay ng pahintulot sa alkalde upang isagawa ang mga kinakailangang hakbang para sa pre-processing ng karagdagang loan mula sa Land Bank of the Philippines.
Discussion about this post