Nagsagawa kanina ng silent protest ang mga miyembro ng Save Palawan Movement sa harap ng Palawan Electric Cooperative o Paleco para tutulan ang pagkakaroon ng coal-fired power plant sa Bayan ng Narra.
Ayon kay Atty Gerthy Mayo-Anda, isa sa mga Convenor ng SPM at ng Environmental Legal Assistance Center Inc o Elac, ginawa nila ito sa harap mismo ng Paleco dahil ang kooperatiba ang pumayag na magkaroon ng Power Supply Agreement sa pribadong kompanya na DMCI.
“Kasi nga ang simbolo niyan ang Paleco ang nagpayag ng Power Supply Agreement sa pagitan ng Paleco at DMCI, at pinayagan pa nila ng supplemental agreement,” sabi pa ni Anda.
Sinabi pa ni Anda na may magagawa sana ang Paleco dahil marami na umanong paglabag sa PSA ang DMCI subalit hindi nila pinaparusahan o sinususpende ang PSA.
“Itong pagmobilize ngayon, simbolo ito na itong isang entity na malaki ang pagkukulang sa usapin ng pagpapanumbalik ng renewable energy ay kailangang singilin at mapanagot,” dagdag pa ng Environmentalist.
Maliban sa silent protest ay mayroon umano silang ginagawang signature campaign at sumulat na rin ang kanilang national support group para makipag-dayalogo kay Secretary Roy Cimatu ng DENR at Secretary Alfonso Cusi ng Department of Energy (DOE).
Tuloy rin umano ang kanilang pangangalampag sa Local Government Unit (LGU) ng Narra,Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Palawan Electric Cooperative o PALECO.
Iginiit niya rin na kahit gumamit pa ng high quality coal ang DMCI ay kanila itong tututulan dahil may masamang epekto parin ito sa kapaligiran. Hindi raw kasi mawawala ang nitrox oxide, sulfur oxide at coal ash dahil fossil fuel ito.
Maliban dito, posible rin umano na tumaas ang bayarin sa kuryente ng consumers bagamat sa ngayon batay sa PSA ang halaga ay nakabase sa Semirara coal. Pinaalala rin ni Anda na hindi pa umano nagkukulang sa kuryente ang Palawan dahil may dalawang taon pa at sa loob ng dalawang taon bakit hindi isulong ang renewable energy at hindi ang coal. Sa huli ay nanawagan si Anda sa mga taga Palawan na pumirma sa Signature Campaign para hindi matuloy ang operasyon ng coal fired power plant.
Kasabay ng pag protesta ng mga anti-coal volunteers ng Save Palawan Movement sa Puerto Princesa City, nagsagawa rin ng matahimik na protesta ang mga residente, mag-aaral at iilang guro ng San Francisco Javier College (SFJC) kasama ang mga miyembro at boluntaryo ng No to Coal Movement sa Palawan sa pangunguna ni Joel Pelayo, ang kanilang koordineytor.
Ayon kay Pelayo, ang “silent protest” na kanilang ginawa sa Parkway, Barangay Poblacion, Narra, Palawan ay sumisimbolo sa kanilang tahasang pagtutol sa pagkakaroon ng 15-Megawatt Coal Fired Plant sa Barangay Bato-Bato, Narra, Palawan.
“Walang nag organize nito. Tayo lang ay nagkakaisa. Ang movement ay binubuo ng mga indibidwal na tao lamang na nagsama-sama upang ipakita ang ating tahasang pagtutol sa pagbibigay ng endorsement ng Sangguniang Bayan sa planong pagtatayo ng Coal Fired Power Plant,” ani Pelayo.
Hawak ang kanilang mga poster, suot ang mask na may tatak ng “No to Coal Plant,” tumagal ng halos isang oras ang protesta ng mga mamayan.
Bago pormal na matapos ang pagtitipon, dumalo rin si Narra Mayor Gerandy Danao at nakipag-dayalogo sa mga miyembro ng No to Coal Movement. Nangako si Danao na siya ay magpapatawag ng pagpupulong kasama ang mga opisyales ng bawat barangay upang kanilang pag-usapan at mapag desisyunan pagpapatayo ng planta sa bayan ng Narra.
“Kailangan nating mag public consultation ulit. Basta ‘yung akin lang, nandito na tayo sa ganitong sitwasyon, hiling ko lang sana wag naman magkagulo,” aniya Danao.
Ang No to Coal Movement in Palawan ay grupong mga pribadong indibidwal na tumututol sa pinaplanong itayong Coal Fired Plantation sa bayan ng Narra. Ayon kay Pelayo, kamakailan lamang nabuo ang grupo. Hangad ng grupo na matulungan sila ng lokal na Sangguniang Bayan ng Narra at ni Mayor Gerandy Danao upang matutulan ang pinaplanong pagtayo ng Coal Fired Plant sa kanilang bayan.