Patay ang motorista matapos mawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo sa Barangay Aramaywan, Quezon, Palawan, bandang alas-4:00 ng umaga noong Marso 9, 2024.
Kinilala ang biktima bilang si alyas Daniel, 37 anyos, isang caretaker at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, galing ang biktima at isang kaibigan sa Barangay Proper ng Aramaywan upang ipagdiwang ang nalalapit na pista. Habang pauwi bandang alas-3:50 ng umaga, parehong sakay ng magkahiwalay na motorsiklo, hinamon umano ni Daniel ang kanyang kaibigan sa isang karera.
Dahil sa mabilis na takbo at lubak-lubak na kalsada, nawalan ng kontrol si Daniel sa kanyang Honda XRM 125. Bumagsak siya at nabagok ang ulo sa isang bato, na agad niyang ikinamatay.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na iwasan ang pagmamaneho nang lasing at ang pakikipagkarera sa kalsada upang maiwasan ang ganitong trahedya.
Discussion about this post