Isang makasaysayang hakbang ang maaaring maganap para sa Pilipinas, matapos isiwalat ng Department of Trade and Industry (DTI) na may posibilidad na maging bahagi ang isang Pilipino sa mga susunod na space missions ng SpaceX. Ang anunsyong ito ay inilabas kasunod ng pag-uusap sa pagitan ng DTI at mga opisyal ng SpaceX at Starlink sa Hawthorne, California noong nakaraang linggo.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, ang pagpupulong ay pangunahing nakatuon sa pagpapalawak ng satellite broadband connectivity sa Pilipinas natalakay rin ang ibang usapin patungo sa mas ambisyosong proyekto, ang paglahok ng isang Pilipino sa human space flight program ng SpaceX.
Sa kasaysayan ng space exploration, mahigit 700 katao mula sa 47 bansa ang nakatawid na sa hangganan ng kalawakan, ngunit wala pa ni isang Pilipino ang nakasama sa talaang ito. Ang posibilidad na ito ay nagbubukas ng pinto para sa bansa na hindi lamang mapabilang sa global space arena kundi maging isang aktibong kalahok dito.
Malaki ang naging kontribusyon ng SpaceX sa larangan ng siyensiya at teknolohiya. Sa loob ng maraming taon, nakapaglunsad na ito ng mahigit 450 matagumpay na space missions, kabilang ang pagpapadala ng 56 na crew members sa kalawakan sa mas abot-kayang halaga kaysa sa nakasanayan. Sa kasalukuyan, hawak nito ang 90% ng global payload deliveries—isang testamento sa kakayahan nitong baguhin ang larangan ng eksplorasyong pangkalawakan.
Ngunit hindi lamang space travel ang pangunahing usapin sa nasabing pagpupulong. Ipinagmalaki rin ng Starlink, ang satellite broadband subsidiary ng SpaceX, ang pag-usad ng kanilang serbisyo sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, mayroon na itong 100,000 subscribers at 13 ground gateway sites, na naglalagay sa bansa bilang isang mahalagang hub sa Southeast Asia. Noong 2022, ang Pilipinas ang naging unang bansa sa rehiyon na nagpatupad ng Starlink services, isang hakbang na nagbigay daan sa mas malawak na digital inclusion sa buong kapuluan.
“Hindi na luho ang internet connectivity—ito ay isang pangunahing pangangailangan,” ani Roque.
“Sa pamamagitan ng Starlink’s satellite technology, masisiguro nating kahit ang pinakamalalayong isla sa bansa ay magkakaroon ng mabilis at maaasahang internet access.”
Ibinahagi rin ni Roque na may patuloy na inisyatiba ang gobyerno upang gawing mas business-friendly ang bansa para sa high-tech industries tulad ng SpaceX. Sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Act, makikinabang ang mga kumpanyang may dalang makabagong teknolohiya mula sa tax incentives at iba pang suporta ng pamahalaan.
Habang wala pang tiyak na timeline kung kailan maaaring mangyari ang inaasam na space mission para sa isang Pilipino, ang pahayag ng SpaceX ay nagsisilbing kumpirmasyon na nasa radar na ang bansa pagdating sa human space flight.
Kung magkatotoo ito, magiging isa itong makasaysayang tagumpay para sa Pilipinas, hindi lamang bilang isang bansang tumatanggap ng teknolohiyang pangkalawakan, kundi bilang isa na may aktibong papel sa pagtuklas nito.
Discussion about this post