Walang mapagsidlan ang kaligayahan na nararamdaman ng mga kabataang mula sa katutubong Batak ng Barangay Tanabag, lungsod ng Puerto Princesa, nitong Sabado, Marso 18, sa munting programang inihandog para sa kanila ng Alpha Phi Omega.
Kasama ang kanilang mga magulang ay muling napagkalooban ng mga mumunting handog pang-eskuwela, tsinelas, bitamina, konting groceries, at mga kendi ng mga tribung Batak sa naturang lugar.
Ang munting programa ay isinagawa sa pakikipag- ugnayan ng Alpha Phi Omega sa pamunuang barangay ng Tanabag, mga guro, mga kasapi ng PNP, ng APO Lawman at binigyang suporta naman ng pamahalaang lokal ng Puerto Princesa at Palawan kasama ang mga APO chapters at Alumni associations nito sa lalawigan.
Bukod dito, nagsagawa ng synchronized coastal cleanup ang mahigit sa 100 miyembro ng kapatiran sa baybayin ng Barangay San Rafael, ng Puerto Princesa.
Matatandaan na isa ang Barangay San Rafael sa nakaranas ng malaking pinsala dulot ng bagyong Odette, na magpahanggang ngayon ay napakarami pang mga debris at kalat sa baybayin ng barangay na kailangang hakutin at linisin.
Sa pamamagitan ng nagkakaisang inisyatibo ng mga miyembro ng organisasyon, nalinis ang bahagi ng baybayin at naitabi ang malalaking nabuwal na puno mula sa mga dalampasigan nito.