Ilang sunog na katawan ang natagpuan sa economy section ng MV June Aster matapos pasukin at suriin ng mga awtoridad ngayong araw, Setyembre 11.
Sa ibinahaging bagong update ng Philippine Coast Guard (PCG), pasado 10:15 AM umano nang tuluyang maideklarang fire out ang nasunog na barko.
Makikita sa mga larawan ang kalunos-lunos na sitwasyon sa loob ng economy section kung saan hinihinalang hindi agad nakalabas ang mga pasahero at tripulante ng nasabing barko.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung ang mga natagpuang sunog na katawan ay mula sa pasahero or crew ng MV June Aster.
Sinabi naman ng PCG na kasalukuyang nagsasagawa ng recovery at identification sa mga bangkay ang PNP-SOCO at iba pang katuwang na ahensya.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na listahan ng mga pangalan ng mga nakaligtas at maging ng mga patuloy na pinaghahanap.
Samantala, naglagay na rin ng oil spill boom ang PCG sa paikot ng barko bilang paghahanda sakaling kumalat ang langis ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa umanong indikasyon ng pagkalat nito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PCG kaugnay sa malagim na insidente na kinasasangkutang ng MV June Aster na pagmamay-ari ng Atienza Interisland Ferries, Inc.