2 katao, arestado sa Brooke’s Point dahil sa ilegal na droga

Dalawang indibidwal ang inaresto ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) matapos kakitaan ng ipinagbabawal na gamot at drug paraphernalia sa isang pension house sa Bayan ng Brooke’s Point.

Kinilala ang mga suspek na sina Jinky dela Cruz Sarong, 30, may kinakasama, at naninirahan sa Proper II, Brgy. Ipilan, Brooke’s Point at Michael Abaca Obstaculo, 44, may asawa, OFW, at naninirahan naman sa Brgy. Marangas, Bataraza, Palawan.

Sa spot report ng Palawan PPO, nakasaad na bandang 5:15 pm kahapon nang makatanggap ng tawag ang Brookes Point MPS mula sa isang personnel ng Philippine Marines na naka-assign sa MBLT-4 sa Brgy. Aribungos, Brooke’s Point na nakita niya ang kinakasamang si Jinky Sarong na sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng hindi niya kilalang lalaki at pumasok sa Per Eva INN sa Brgy. Pangobilian. Humiling umano ng police assistance ang nasabing informant na tinugunan din ng mga tauhan ng Brookes Point MPS kasama ang PIU-PALPPO.

Pagdating ng rumesponding team, kinatok ng informant ang pinto ng silid kung saan binuksan naman ng ka-live-in partner niyang si Jinky at doon na umano tumambad sa kanyang harapan ang mga drug paraphernalia sa itaas ng kama. Sa puntong iyon ay tinawag niya ang mga PNP personnel at ang kanyang mga kasama ukol sa kanyang mga nakita.

Kaugnay nito, nakumpiska ng mga awtoridad ang isang T-shirt na kulay dark violet na naglalaman ng mga tirang puting pulbos na pinaghihinalaang shabu, limang ginupit na aluminum foils, isang transparent plastic sachet, isa pang pakete na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu, isang kulay berdeng lighter, isang gunting, ballpen ink chamber, isang kahon ng sigarilyong Winston, isang nakarolyong Aluminum foil, at isang kulay light brown na shoulder bag.

Kasama rin sa mga na-recover ang isang kulay itim na Samsung Duos android Cellular phone, isang kulay itim na Huawei android Cellular phone, isang multicolored Vivo android Cellular phone, isang Iphone Cellular phone na kulay puti at dirty white, dalawang charger connector na kulay orange at puti, isang kulay puting headset, isang kulay itim na calculator, isang kulay bughaw na Candy bottle, isang kulay itim na ballpen, isang kulay dilaw na suklay, isang lipstick na kulay pula/itim, at isang body spray na kulay rosas.

Samantala, nakuha naman mula sa pag-iingat ni Obstaculo ang isang kulay bughaw na lighter, isang P20, tatlong P1,000, isang kulay itim na pitaka, isang Student Permit na may SP No. D1119S19426, isang Foreign Currency Bill (Central bank of Egypt) na may halagang five pounds, isa pang Foreign Currency Bill (Turkey) na may halagang 10 ON Turk Lirasi; isang Wall Street ID Card na may numerong 1169004568, isang Philhealth ID Card, isang BIR ID Card, isang Palawan Pawnshop Card, isang VISA ID Card, isang Landbank Overseas ATM Card na may numerong 1706653275 na pawang na inisyu kay Obstaculo at isang kulay pula/itim na Yamaha MC (NMAX 155) na pagmamay-ari rin ng nasabing indibidwal.

Tiniyak naman ng pulisya na bago ang isinagawang paghahalughog ay ipinaalam sa mga sumaksing mula sa hanay ng media at mga opisyales ng barangay ukol sa gagawing paghahalughog sa lugar na base sa naunang nakitang drug paraphernalia mula kay Sarong at Obstaculo.

Sa ngayon ay nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Exit mobile version