Huli sa akto ang dalawang drayber ng Newington Construction matapos umanong maaktuhan ito ng kanilang project engineer na nagnanakaw ng 60 litrong krudo mula sa isang truck ng nasabing kumpanya 7PM Miyerkules, Desyembre 11, sa Barangay Abo-Abo, Sofronio Española, Palawan.
Ayon sa report mula sa pulisya, kinilala ang dalawang suspek bilang sina Christopher Cubelo, 35 anyos, heavy equipment driver ng Newington Construction at residente ng Barangay Bato-Bato, Narra, Palawan at si Jeffrey Tejares, 30 anyos, truck mixer driver at residente ng Barangay Punang, Sofronio Espanola, Palawan.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, papunta sana sa isang site ang project engineer ng Newington Construction na kinilalang si Rusby Buyser, 29 anyos, kasama ang isang lalakeng kinilalang si Lusano Nolledo nang kanilang madaanan sa tabi ng kalsada ang dalawang suspek na kanilang naaktohang nagnanakaw ng 60 litro ng krudo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3,000 mula sa isang cement truck mixer ng kumpanya.
Tumakas umano ang mga suspek sa takot na mahuli samantalang narekober naman ang 60 litro ng krudo mula sa mga ito.