Lalaki, patay matapos saksakin ng kainuman sa Brooke’s Point

Photo from Palawan Provincial Police Office

Dead on arrival sa pagamutan ang isang lalaki matapos saksakin sa Barangay Salogon, bayan ng Brooke’s Point Palawan, ganap na 10:30 ng gabi noong Linggo, Nobyembre 26.
Ang biktima ay kinilala bilang si Arman Magallon, 29-anyos, magsasaka habang ang suspek naman ay kinilala bilang si alias “Dandan,” 34-anyos, magsasaka, at kaparehong residente rin ng Barangay Salogon, Brooke’s Point, Palawan.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP, habang nag-iinuman ang biktima at suspek, ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa kanilang dalawa. Sa gitna ng away, umuwi ang suspek at kumuha ng kutsilyo, at pagbalik, sinaksak ang biktima.
Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima at dinala sa Southern Palawan Provincial Hospital para sa atensiyong medikal ngunit idineklara nang patay ayon sa sumuring doktor.
Naaresto naman ng pulisya ang suspek at narekober mula sa kanyang pag-aari ang ginamit na patalim, isang kutsilyong pangkusina, na may habang 12-pulgada kasama ang hawakan.
Kasalukuyang nasa pangangalaga na ng PNP ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.
Exit mobile version