Nadakip na ng pulisya ang 19 na taong gulang na Most Wanted Person sa Bayan ng Rizal kahapon ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Tutoan Muntias, binata, magsasaka, indigenous people na Palaw-an at residente ng Sitio Balingasag, Brgy. Culasian ng nabanggit na munisipyo.
Sa spot report na ibinahagi ng Palawan Police Provincial Office (PPO), nakasaad na isinagawa ang pagdakip sa nabanggit na indibidwal ng mga tauhan ng Rizal Municipal Police Station(MPS) bandang 7:00 pm kahapon, Hunyo 28, 2020 sa Brgy. Culasian, Rizal, Palawan sa bisa ng ibinabang Warrant of Arrest ni Judge Ramon Chito R. Mendoza ng RTC Branch 165 na may petsang June 14, 2019.
Inaresto si Muntias dahil sa paglabag sa Sec 10 (a) ng RA 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” na kung saan, nasa P80,000 ang inirekomendang piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.
Sa ngayon ay hawak na ng Rizal MPS ang naturang suspek at nakatakdang ipresenta sa issuing court para sa tamang disposisyon.