Gaya ng ibang munisipyo sa Lalawigan ng Palawan, hindi rin nakaligtas ang Bayan ng El Nido sa pagkakaroon ng local transmission ng COVID-19 matapos na lumabas ang impormasyong mayroon na itong kauna-unahang local case ng nasabing sakit.
Ayon kay Acting Provincial Health Officer Faye Erika Querijero-Labrador, ang nasabing indibidwal ay isang 21 anyos na babae na mula sa Brgy. San Fernando, El Nido na sa ngayon ay nananatiling asymptomatic o hindi nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19.
Base naman sa MIMAROPA COVID-19 Update na inilabas ngayong araw, Nobyembre 5, 2020, ang nagpositibong babae ay Filipino-American at wala umanong travel history.
Ani Dr. Labrador, kahapon, Nob. 4, nang magpa-test ang naturang indibiwal dito sa Lungsod ng Puerto Princesa dahil kabilang ito sa mga requirement sa kanyang paglalakbay palabas ng Palawan. Kahapon din ay lumabas ang resulta na positibo siya sa COVID-19 virus.
Sa kasalukuyan ay nasa Isolation Facility na ng Lungsod ng Puerto Princesa ang pasyente habang simula kahapon ay nagsimula na ring magsagawa ng contact tracing ang mga kinauukulan sa Bayan ng El Nido.
“[Pag]-identify po ‘yong mga close contact…‘yong mga close contacts po are for swab [test] din po,” ani Labrador.
Dagdag pa nito na agad ding isasailalim sa quarantine ang mga nakasalamuha ng payente.
“Ang aking mensahe po [sa ating mga kababayan doon] ay to stay at home po. Kung hindi naman kailangang lumabas, ‘wag nang lumabas. And then, i-continue ang [pagsunod sa] ating mga health protocols like wearing of masks, paggamit ng face shield, social distancing and handwashing,” panawagan pa ni Dr. Labrador.
Samantala, sa ngayon ay pito na ang aktibong kaso ng COVID sa lalawigan: 2 – Balabac; 2 – Cuyo; 2 – Culion; at 1 – El Nido.