Masayang ibinalita ng Tanggapan ng Impormasyon na pawang negatibo sa isinagawang Rapid Diagnostic Test (RDT) ang dalawang batch na umuwi sa Lalawigan ng Palawan noong Hulyo 4 at kahapon.
Sa post ng PIO-Palawan, nakasaad na dumating ang unang batch noong Hulyo 4 sakay ng Philippine Airlines habang ang ikalawa naman ay kahapon, lulan ng barkong 2GO at AirAsia.
Sa impormasyong ibinahagi ni Provincial Incident Management Team Commander Cruzalde Ablaña sa Provincial Information Office, ang unang batch ay ang 47 Palaweño returnees na binubuo ng 28 mga Locally Stranded Individuals (LSIs), limang Authorized Persons Outside Residence (APORs) at 14 na mga Returning Overseas Filipinos (OFWs) habang ang sumunod na batch naman ay ang 108 mga indibidwal na binubuo ng 73 LSIs at 35 APOR.
At bilang bilang pagtalima sa ipinatutupad na health protocols, matapos ang agarang pagsasagawa ng RDT at nakuha ang negatibong resulta ay sinundo sila ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan upang sumailalim naman sa 14-days quarantine bago tuluyang makauuwi sa kani-kanilang pamilya.