Ilang kasapi pa ng New Peoples Army (NPA) ang sumuko sa mga awtoridad, base sa impormasyong ibinahagi ng pamunuan ng Third Marine Brigade (3MBde).
Ayon sa tagapagsalita ng 3MBde na si Cpt. Orchie Bobis, ang pagbabalik-loob ng nasabing mga miyembro ng Bienvenido Valleber Command (BVC) ay resulta ng pagsasagawa ng Community Support Program at intensibong “Whole of Nation” approach ng Palawan Task Force ELCAC.
Kinilala ang mga sumuko na sina Reden Gatosan Angkik a.k.a. Justine/Jaguar/Jonas/Arjay, Evelyn Eno Rodriguez a.k.a. Laisa, Robin Jalain Baylosis a.k.a. Marlo/Mayor, Charlane Egay Juan a.k.a. Yumie/Yuhie, at Jupiter Rundukan Gindaya a.k.a. Armak/Frankie. Sila ay pawang mga miyembro ng yunit nina Ka Miggy at Ka Rise na pareho namang wanted personalities ng PTF ELCAC.
Ani Cpt. Bobis, sa impormasyong ibinahagi ni 3rd Marine Brigade Commander, BGen. Nestor C. Herico, boluntaryong sumuko ang nabanggit na mga rebelde noong ikalawang linggo ng Nobyembre sa tropa ng pamahalaan sa Brgy. Minara, Roxas, Palawan.
Ayon pa kay BGen. Herico, nilakad lamang ng naturang mga indibidwal ng halos isang buwan ang bulubunduking bahagi ng hilagang Palawan upang makatakas mula sa mga kasamahang rebeldeng NPA at sumuko na sa mga kinauukulan. Nabalitaan kasi umano nila na may mga marines na nagsasagawa ng Community Support Program kaya iyon ang tinumbok nilang lapitan at boluntaryong sumuko.
“‘Yong isa sa limang ito ay may tatay pa na nasa bundok at kasama nina Ka Rise at Ka Miggy. May pangamba rin sila na posibleng pagdudahan ng teroristang NPA ang kaniyang tatay dahil sa kanilang pagsuko pero hindi na nila matiis ang hirap at gutom sa kabundukan,” dagdag pa ni Herico.
Sa muli ay hinihikayat ng 3rd Marine Brigade ang mga aktibong miyembro ng CTG-NPA na magbalik-loob na sa mga awtoridad at mag-avail ng mga serbisyo at programang iniaalok ng pamahalaan gaya ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Local Social Integration Program (LSIP) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.