Huli sa akto ng mga kinauukulan ang pitong indibidwal na ilegal na nangingisda sa magkahiwalay na lugar sa karagatang sakop ng Bayan ng Roxas.
Sa impormasyong ibinahagi ng commanding officer ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3) at commander ng Joint Task Group North (JTGN) na si LtCol. Charlie Domingo Jr., inilunsad ng Coast Guard Station Roxas at MBLT-3 ang isang joint Maritime Law Enforcement (MARLEN) Operation noong gabi ng Sept. 29, 2020 bilang tugon sa impormasyong kanilang natanggap mula sa mga concerned citizen ukol sa nagaganap umanong ilegal na pangingisda sa bisinidad ng Green Island at Johnson Island sa naturang munisipyo.
Aniya, nahuli sa nasabing isinagawang operasyon ang pitong indibidwal na umano’y aktuwal na nagsasagawa ng illegal fishing gamit ang “compressor” sa nabanggit na mga lugar, at nakumpiska ang dalawang mga bangkang MBCA JE-ANN at MBCA JOHN MANNY, at iba pang mga equipment na kanilang ginamit.
Sa impormasyon namang ibinahagi ng PCG-Roxas, nakasaad na dinakip ang mga violator dahil sa pagsuway nila sa Section 70 ng Roxas Municipal Ordinance No. 21, Series of 2001 dahil sa paggamit nila ng air compressor bilang breathing apparatus sa kanilang pangingisda at Section 64 ng Roxas Municipal Ordinance No. 21, Series of 2001 dahil sa pangingsida ng walang mga valid license.
Agad naman umanong inihain ng Coast Guard Station Roxas sa LGU Roxas ang kaukulang kaso laban sa mga nahuling indibidwal. Nagkaroon naman ng adjudication at nagbayad na rin sila ng kaukulang multa batay sa ordinansa ng munisipyo.
“Mayro’n po silang kaso, admin case po kasi sa loob ng municipal waters sila nahuli at magpi-prevail po do’n eh ang Municipal Ordinance. Wala pong cyanide. Spearfishing po ang ginagawa nila no’ng naaktuhan natin,” ang pahayag pa ng Coast Guard Station Roxas.
Alinsunod din sa nakasaad sa ordinansa, matapos magbayad ay nasa pangangalaga pa rin ng gobyerno ang lahat nilang mga gamit sa pangingisda gaya ng mga lambat, improvised spear guns, compressor engines, compressor tanks, at iba pang similar paraphernalia, maliban sa kanilang mga bangka.
“Lahat ng illegal paraphernalia onboard ay confiscated na in favor of the government at nasa custody na ng Coast Guard Station for destruction,” dagdag pa ng apprehending team.