Ang kahalagahan ng mga pangolins

Pangolin Photo by JEN GUYTON/ MINDEN PICTURES

Tinaguriang “Guardian of the Forest” ang mga pangolins.

Mahalaga ang mga pangolins (scientific name: manis culionensis) sa ecosystem dahil maliban sa langgam, pangunahin din nilang pagkain ang mga anay kaya nakokontrol ang populasyon ng nabanggit na mga insekto. Gayundin, dahil sa pagbubungkal nila sa lupa para makahanap ng pagkain ay napapalakas ang dekomposisyon at nagiging tahanan pa ng iba pang hayop ang iniwang mga butas.

Isa sa mga environmental principles, ang “Ang Lahat ng Bagay ay Magka-ugnay” ay nangangahulugang may relasyon at importansiya ang lahat ng nilikha sa ginagalawang ekosistema, kabilangang ang abiotic factors at kung isa man sa kanila ang masira, mawala o sumobra sa dami ay tiyak na may epekto sa lahat ng may buhay hanggang sa pinakamataas na bahagi ng food chain. Kaya ang bawat biotic factor ay may kanya-kanyang papel na ginagampanan upang mapanatili ang tamang dami ng populasyon halimbawa ng mga langgam at anay dahil kinakain sila ng mga Balintong kaya napapanatili ang balansiyadong buhay sa kagubatan at bundok hanggang kapatagan.

Ang scaly anteaters ang tinaguriang “Most Trafficked Animal” dahil sa katangian nitong gugulong lamang kung mayroong naramdamang banta kaya napakadali para sa sinumang poacher ang pulutin sila at ibenta sa global market. Mataas ang demand para sa Pangolin meat dahil itinuturing itong delicacy halimbawa sa Tsina at Vietnam at inihahalo naman ang mga kaliskis nito sa Asian traditional medicine dahil sa mga kinakain nilang langgam at pinaniniwalaang kayang magpagaling ng asthma, rheumatism at arthritis.

Alam n’yo ba na walong uri lamang sila sa buong mundo at sa Pilipinas ay sa Palawan lamang sila matatagpuan na kilala sa tawag na Balintong (Manis culionensis)? Apat sa uri ng mga Pangolin ay makikita sa Africa habang ang iba pa sa Asya ay sa Tsina, Indonesia, at India at ang lahat ng iyon ay pinangangalagaaan ng pambansa at pang-internasyunal na mga batas. Sa Pilipinas ay protektado sila ng Wildlife Act (na sa lungsod at lalawigan ay ipinatutupad ng Palawan Council for Sustainable Development).

Upang mas ipakilala pa sa publiko sa buong mundo, sinisilebra sa ngayon ang “World Pangolin Day” sa pangunguna ng Worldwide Fund (WWF).

Nakababahala na kasi ang mga nagaganap na sa kabila ng pagbabawal ng global trade ng mga pangolin simula pa noong 2016 ay nagpapatuloy pa rin ito maging hanggang sa kasalukuyan.

Maliban sa mga nakaaalarmang datus ng iligal na bentahan ng nasabing hayop sa iba’t ibang bansa, maging sa Pilipinas, partikular sa lalawigan ng Palawan ay hindi rin iba ang ganoong sitwasyon.

Maaalaalang noong Septembre 28, 2019 ay nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng PCSD Staff Enforcement Team, Western Command (Wescom), at DENR-Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ang 38 kahon ng pinatuyong kaliskis ng mga Pangolin, kasama ang 18 pang kahon ng dried sea horse at siyam na ice box ng pinatuyong kaliskis ng mga pawikan. Iba pa ito sa mga naunang nakumpiska o na-rescue ng mga otoridad mula sa mga illegal poachers sa nakalipas na mga buwan at mga taon.

Sa kabuuang datus ng mga kinauukulan, umaabot na sa 105,410 hanggang 210,820 ang pinatay na mga Pangolin sa Asya at Africa simula noong 2011 na sa Pilipinas lamang, tinatayang 50 porsiyento ang mababawas sa maliit ng populasyon kapag walang hakbang na gagawin sa susunod na limang taon.

Sa mga naganap, sapat bang mahuli ang mga poachers o mas mainam sana kung mapigilan sila sa balak pa lamang na pangongolekta?

Exit mobile version