Bayan ng Taytay, nakinabang sa ‘Diskwento Caravan’ ng DTI-Palawan

Hindi lamang pamasahe ang natipid ng mga Taytayanos kundi maging sa presyo ng mga nabili nilang mga pangunahing produkto dahil sa pagsasagawa ng “Diskwento Caravan” ng DTI-Palawan sa kanilang lugar.

Ang isa at kalahating araw na aktibidad na isinagawa sa Brgy. Poblacion, Taytay, Palawan ay sinimulan kahapon bilang bahagi rin ng Consumer Month celebration ngayong taon na may temang “Sustainable Consumer in the New Normal.”

“Ang ‘Diskwento Caravan,’ ginagawa ‘yan ng DTI taun-taon…para makapagdala tayo ng basic necessities and prime commodities sa mga kababayan natin at ma-avail nila ‘yon sa discounted prices—presyong pang-whole sale [talaga]. Usually, ten percent [ang diskwento], minimum ‘yon, pwede pang bumaba ro’n ang presyo. ‘Yong iba, more than ten percent,” ayon kay DTI-Palawan OIC-Provincial Director Hazel Salvador sa pamamagitan ng isang phone interview.

Inilapit ng ahensiya, katuwang ang ilang tindahan at manufacturer, ang mga pangunahing produktong kailangan ng mamamayan tulad ng sardinas, noodles, gatas, kape, asukal, mantika, toyo, sabon, kandila, baterya, mga panglinis, plastic wares at small kitchen electrical appliances gaya ng rice cooker, blender at iba pa.

“Yong mayroong sari-sari store sa kanilang barangay, namili na rin sila ng mga paninda nila. Sinamantala na rin nila ‘yong pagkakataon na mamili sila para sa pambenta nila, hindi lang sa pangangailangan nila sa kanilang sariling tahanan. ‘Yong piso, dalawang piso, malaking bagay na ‘yon [para sa kanila],” dagdag pa ng pinuno ng DTI-Palawan.

Nakilahok sa nasabing aktibidad ang NCCC, Magnolia Chicken, Le Dessert Cakes and Pastries, at ang dalawang local manufacturer ng Lalawigan ng Palawan na JAO Surublien at Palawentas na nag-offer ng kanilang mga produkto gaya ng kasoy, peanut butter, kape, pastillas, banana chips at iba pa.

“Ngayon, because of the COVID-19, sinamahan na namin ng local products, proudly Palawan made kasi sayang ‘yong opportunity kasi ‘yong mga trade fair natin, lahat, na-postpone because of the pandemic. So, malaking bagay na nawala sa kanila na mag-exhibit. So, isinama na natin sila ngayon,” aniya.

Maliban naman sa pagbibigay diskwento sa mga naka-display na mga produkto, nagkaroon din ng libreng gupit sa mga mamamayan ng Taytay. Kahapon ay nagsagawa rin ng mga pagsasanay gaya ng
Entrepreneurial Mind Setting training, Basic Expenses and Safety Training (BEST) at kanina naman ay Consumer Education ukol sa mga karapatan at responsibilidad ng mga mamimili.

“Ang DTI, every October of the year, sini-celebrate natin ang Consumer Welfare Month. Sa buwan na ito, sinasariwa natin ang kahalagahan ng mga mamimili at ang role ng mga mamimili bilang drivers ng economy at kung anu-ano ang kanilang mga rights and responsibilities. Minsan, hindi natin nari-realize na malaki pala ‘yong role natin—akala natin, hindi tayo kasama sa value chain na tinatawag,” saad pa ni Salvador.

Ayon pa sa OIC Provincial Director ng DTI, dapat kasunod nito ay sa Bayan ng El Nido ngunit dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng local transmission sa Lungsod ng Puerto Princesa ay itinigil muna nila ang pagpapasok ng mula sa siyudad. Natapos na rin umano ang kahalintulad na aktibidad sa mga bayan ng Jose Rizal, Roxas, Dumaran at Bataraza.

Tiniyak naman ng DTI-Palawan na sinunod nila ang pag-oobserba ng minimum health standard, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Taytay, nang isinagawa ang nasabing caravan.

Sa kabilang dako, ipinaliwanag din ng head ng Provincial DTI ang kahulugan ng tema na iniakma sa panahon ngayon ng pandemya.

“So, ‘yong tema natin na sustainable, ibig sabihin, dapat ‘yong pagbili natin, ay in a way na hindi nakasisira kasi kapag nakasisira, matitigil na so, hindi sustainable. Everything we use di ba galing siya sa Mother Earth? Lahat ng resources na kino-consume natin galing sa Mother Earth, so kung hindi sustainable, there will come a time na matitigil kasi wala na tayong mako-consume—sinira na [kasi] natin ang environment,” paliwanag pa niya.

At bagamat malaki ang epekto ng COVID-19 pandemic, sa gitna ng hamon, aniya, sa ngayon ay nalaman na ng tao kung ano lamang ang kailangang bilhin at hindi na kung ano lamang ang gusto kahit hindi na kailangan na minsan umano ay hindi na batid ng tao na nakasisira na sa kalikasan ang mga produktong binibili.

“Kapag gano’n kasi, kinukonsente natin ‘yong mga nagpo-produce ng mga produkto na hindi standard kundi substandard, ang mga produktong ‘yon, ‘yong way ng paggawa nila ay hindi sumusunod sa batas, hindi maganda ‘yong palakad ng management,” pagbibigay-diin pa ni Salvador.

Exit mobile version