BFAR, pinag-aaralang ipagbawal ang paghuli ng maliliit galunggong

Logo from BFAR Fb Page

Aminado ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na walang batas na nagbabawal na manghuli ng maliliit na galunggong.

“After closed season, puwede nang manghuli. So wala namang batas na nagsasabi na yung maliliit hindi hulihin, unless meron sila doon sa LGU, sa local. Tulad sa Quezon, meron silang samahan doon na nagco-commercial. Sabi ng President nila, mayroon daw sila policy [na] kapag nakita na maliliit hindi nila kukunin kung baga palalabasin nila. Pero kung sa area maraming maliliit ititigil na nila [ang panghuhuli]. Sana ganun, sana lahat ganun kasi makikita mo talaga sa palengke [na] maraming maliliit,” pahayag ni Myrna Candelario, Senior Aquaculturist ng BFAR at Regioanl Director ng National Stock Assessment Program (NSAP).

Dagdag pa ni Candelario, kinakailangan pa ng masusing pag-aaral upang maisakatuparan ang naisin na ito lalo na at posibleng maapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda.

“Yun yung pinag-aaralan pa namin. Kumbaga, malaking usapin pa ‘yan. Siyempre kasi between policy at saka yung negosyo, kailangan pa mag win-win solution kami diyan. Gusto man naming i-extend ang closure hanggang sa time na medyo malalaki sila, eh hindi rin puwede kasi masyadong tatagal,”

Ipinaliwanag din nito na mas malaki ang kikitain ng mga nanghuhuli ng isdang galunggong kapag kinuha ito na nasa hustong laki kumpara sa maliliit at magdudulot pa ng pagkaunti ng kanilang bilang sa karagatan.

“Yung sinasabing economic over fishing na sinasabi namin, marami ka ngang huli pero kaunti naman yung presyo. Ang hindi maganda doon marami kang nakuha sa dagat, pero kunti naman kinita mo. Kung sana hihintayin mo yun lumaki kaunti lang makukuha mo sa dagat pero marami kang kikitain. Kung malalaki, isang tiklis yung makuha mo so ang presyo non sabihin 100 per kilo pero yung isang tiklis mo na maliliit baka ilang daang piraso yun tapos ang presyo 50 o 30, wala ka ring kinita, na perwisyo mo ang isdang maliliit na sana nabigyan pa ng chance na lumaki,”

Hindi naman sang-ayon sa planong ito si Nogi Palay ng Roxas,Palawan. Ayon sa kanya, kapag nasa lambat na ay hindi maiiwasan na mapasama ang maliliit na isda.

“Hindi rin masabi, dahil masasama rin sa lambat ang mga maliliit na galunggong na mahuhuli tapos pag-ahon nyan [sa dagat] patay na yan,”

Sa bisa ng Joint Administrative Order No. 1, series of 2015 ng Department of Agriculture at Department of Interior and Local Government, itinakda ang ‘closed season’ sa panghuhuli ng galunggong sa karagatang sakop ng Northeast, Palawan mula Nobyembre 1-Enero 3.

Exit mobile version