Negatibo sa COVID-19 ang cameraman ng ABS-CBN Manila na una nang naging reactive sa Rapid Diagnostic Test matapos itong dumating sa Puerto Princesa City mula sa bayan ng Kalayaan para sa isang media coverage.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Mary Ann Navarro, ang Provincial Health Officer ng Palawan matapos matanggap ang resulta ng confirmatory test ng media personnel mula sa Ospital ng Palawan.
Sinabi pa ni Navarro na mula sa Maynila ang cameraman at dumiretso sa bayan ng Kalayaan para i-cover ang pagpapasinaya ng beaching ramp sa PAG-ASA Island bago dumating sa lungsod kung saan isinailalim sa RDT at nagpositibo ang resulta kaya kinailangan pa ang swab test.
Maaari narin anyang makauwi ng Maynila ang cameraman gayundin ang iba nitong kasamang media na kabilang din sa kanilang coverage sa bayan ng Kalayaan nitong nakaraang linggo na pawang mga negatibo naman sa Rapid Diagnostic Test.