Ibinahagi ni Atty. Dennis Mosquera, Regional Director ng Commission on Human Rights-MIMAROPA kung paano humingi ng tulong kung nakaranas ng pang-aabuso ng karapatang pantao mula sa mga awtoridad dito sa Lungsod ng Puerto Princesa at sa Lalawigan ng Palawan.
“May dalawang bagay po, puwede siya magreklamo sa amin kung authority po ‘yan. Kung ang pulis authorities ang inerereklamo, hindi maganda na sa kanila rin i-file. Puwede po mag-file diretso sa fiscal o puwedeng mag-file din po sa amin… Kung ano man ang maitutulong namin sa pag-execute ng mga affidavit, matutulungan po namin… Sa Palawan sa harap ng BJMP, City Jail nandiyan po ang opisina namin,” Ani Mosquera.
Nanawagan din ito sa mga awtoridad lalo na sa hanay ng PNP na maging magandang halimbawa sa mga mamamayan sa pagrespeto sa kanilang mga karapatan.
“Lahat po tayo ay may karapatan, maging pulis man po ay may kanya-kanyang karapatan. ‘Yun nga lang po yung mga akusado ay tinatawag po natin na vulnerable sector kasi nga wala namang tutulong sa kanila. At isa pa, state agent po ang naaakusahan so dapat po as state agent ay maging modelo tayo na hindi tayo lumalabag at dapat nasa proseso,” pahayag nito.
Nilinaw din ng CHR Regional Director na dumadaan sa proseo ang lahat ng reklamong natatanggap nila.
“Hindi naman po namin sinasabi na kaagad na guilty siya. Ang sinasabi po namin na imbestigahan ang isang pulis authority ay hindi ibig sabihin guilty na siya. Actually dadaan po sa proseso yun… kasi pasasagutin naman siya… ‘yun ‘yung isang venue siguro para ma-clear niya ang kaniyang pangalan,” dagdag na pahayag ni Atty. Mosquera.