EL NIDO, PALAWAN — Sugatan ang dalawang kalalakihan matapos barilin ng isang retired Philippine Army sa Sitio Calampinay, Barangay Pasadinia, El Nido, Palawan nitong Hulyo 18.
Kinilala ang suspek na si retired 2nd Lt. Alijo Mina Lobregito alyas Bong, 49 anyos, at residente sa Sitio Bulalacao. Habang kinilala naman ang dalawang biktima na sina Jud Rivellas Dayon, 23 anyos, at Artemio Dumalan Birano, 35 anyos, residente sa barangay Villapas.
Ayon kay Sr. Insp. Starky Timbangcaya, hepe ng El Nido MPS, lumalabas na nagkaroon ng pagtatalo o hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga biktima at suspek matapos na hindi pinadaan sa ginagawang tulay patungong Barangay Villapas.
“Nagkaroon ng kumosyon at nagkaroon ng habulan at panununtok dun sa mga biktima na dumaan dun sa area na ginagawang tulay at nagbanta naman ang mga biktima sa operator ng backhoe dahilan upang magsumbong ito sa suspek na agad naman pumunta,” pahayag ni Timbangcaya.
Sa imbestigasyon ng pulis kay Lobregito, nag-warning shot lamang umano ito ngunit tinamaan pa rin ang dalawang biktima sa likuran.