Dalawang kaso ng COVID-19, naitala sa bayan ng Bataraza

Naitala ang kauna-unahang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bayan ng Bataraza, Palawan kagabi, June 26, ayon kay Bataraza Mayor Abraham Ibba.

Sinabi nito na positibo ang naging resulta ng swab test na isinagawa sa dalawang indibidwal, parehong lalaki at nasa mahigit 40 ang edad. Ayon kay Mayor Ibba, ang mga ito ay parehong locally stranded individual o LSI na nagmula sa Mindanao at lumapag noong June 9 lulan ng eroplano ng Cebu Pacific.

Base sa situational report na nakalap ng Palawan Daily mula kay Dra. Rebethia Alcala, municipal health officer ng Bataraza, nakuha nila ang kumpirmasyon matapos matanggap ang resulta ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test ng dalawang indibidwal mula sa Ospital ng Palawan (ONP).

Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Bataraza ay nagsagawa ng contact tracing sa mga nakasalumuha ng dalawang pasyente mula nang ito ay bumyahe hanggang sa makalapag ito sa munisipalidad.

Ayon kay Mayor Ibba, hindi kinakitaan ng anumang sintomas ang dalawang pasyente na ngayo’y naka-quarantine.

“Naka-isolate sila ng magkahiwalay na isolation room sa facilities ng Bataraza. Wala namang problema sa contact tracing kasi ang mga ito ay LSI. Naka-quarantine na sila pagdating so ang posible nilang makasalamuha lang ay ‘yung mga roommates lang, naka-quarantine na din sila, ” ani Mayor Ibba.

Payo ni Mayor Ibba sa mga residente, huwag mabahala.

“No need to panic dahil ito ay wala namang na contact sa locals. Ang mga na-contact tracing natin ay naka quarantine na sila lahat. So far, dito sa Bataraza wala pa namang local transmission,” ani Ibba.

Kahapon naman, June 27, ay inanunsiyo naman ni City Mayor Lucilo Bayron na tatlo sa mga aktibong kaso ng COVID-19 ay gumaling na at tuluyan nang naka-rekober.

Sa kasalukuyan ay nasa 23 na ang tinatayang “active COVID-19 cases” sa buong Palawan kabilang na ang dalawang panibagong kaso sa bayan ng Bataraza. Sa karagdagan, 10 dito ang nasa siyudad ng Puerto Princesa, 5 sa bayan ng Sofronio Española, 3 sa munisipyo ng Coron at 3 rin sa bayan ng Busuanga.

Exit mobile version