Timbog ng mga otoridad noong Hulyo 19, 2020, araw ng Linggo, ang nakatakas na bilanggo na mahigit 23 taon nang nagtatago sa kanyang safehouse sa Green Island, Roxas, Palawan.
Kinilala itong si Juanito Lawan y Andrino nasa wastong taong gulang, isang mangingisda at pinanganak sa Placer, Masbate.
Sa nakalap na report ng Palawan Daily News, nagtago si Lawan na may bearing prison number I95P-028 sa Green Island, bayan ng Roxas.
Ayon kay Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) Corrections Superintendent Raul P. Levita, sa pinagsanib pwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) Philippine National Police (PNP) at ng pamununan ng IPPF ay matagumpay na nadakip ang suspek at nakulong ito.
Si Lawan ay may kasong paglabag sa Section 33 of PD 704 na mas kilala bilang Illegal Fishing at nasentensiyahan ng 5 taon at 1 araw at hindi bababa sa 7 taong pagkakakulong nung taong 1994 at inilipat sa Iwahig noong Abril 20, 1995 by virtue of Mittimus na inisyu ng RTC Branch 50 ng Palawan. Noong Disyembre 25, 1995, araw ng pasko, ay tumakas ito sa kulungan at nagtago ng mahigit 23 taon bago nadakip.
Samantala, nasa kustodiya na ng pamunuan ng Iwahig Prison ang suspek at sasampahan ito ng kaukulang kaso sa Office of the Prosecutor sa lungsod at kasalukuyan itong naka isolate sa kanilang Quarantine Facility upang matiyak na wala itong dala dalang virus na maaring makaapekto sa iba pang mga bilanggo sa Ihawig dahil sa nararanasang pandemya dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).