Walong dating mga rebelde ang pinagkalooban ng tulong pinansyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG), sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Ang E-CLIP ay isang programa ng pamahalaan na naglalayong matulungan ang mga dating kasapi ng CPP-NPA-NDF at Militia ng Bayan na nais magbalik-loob sa pamahalaan at sa komunidad upang makapiling na muli ang kanilang mga pamilya.
Ipinagkaloob sa walong nagbabalik loob sa pamahalaan noong ika-4 ng Nobyembre ang tulong pinansyal na magagamit ng mga ito sa kanilang pagbabagong buhay. Ito ay na ginanap sa Transient and Training Facility ng Western Command.
Anim (6) sa mga ito ay nasa kategorya ng mga dating rebelde na nakatanggap ng tig P65,000.00 habang dalawa (2) naman ang nasa kategoryang Militia ng Bayan na nakatanggap naman ng tig P15,000.00.
Simula noong taong 2013, ang lalawigan ng Palawan ay may kabuuan ng 214 na mga dating rebelde ang natulungan ng pamahalaan sa kanilang ginawang pagbabalik loob sa gobyerno upang makapagbagong buhay.
Personal na ipinagkaloob nina DILG Palawan Outcome Manager Ricardo M. Tungpalan, CSO Representative Socorro S. Tan, Palawan PPO Deputy Provincial Director for Operation LtCol. June Rian, 3rd Marine Brigade Security Officer Cpt. Edgar S. Antonio PN(M), Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail D. Ablaña, at Western Command Commander Vice Admiral Alberto B. Carlos PN ang tulong pinansyal para dito.
Naging kinatawan ni Gov. V. Dennis M. Socrates si Bantay Palawan Program Manager P/Gen Reynaldo Jagmis (Ret) at malugod nitong pinasalamatan ang lahat ng mga naging bahagi ng kapayapaan sa Palawan.
“To our Former Rebels, we extend our sincerest congratulations for making courageous decision in surrendering to the Philippine Government and pledging to be a part once again of our society,” ani Jagmis.
Sa mensahe naman ni Tungpalan ng DILG, sinabi nito na hangad nya na mapalago pa ang tulong na ibibigay ng pamahalaan para sa mga dating rebelde.