Hindi pagboto sa nagdaang plebisito, hindi umano pinagbabasehan para mawala sa listahan

Dismayado ang isang netizen sa Brgy. Princess Urduja, Narra, Palawan dahil hindi umano napasama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga botante.

Ayon kay December Mones, dismayado umano ito dahil buong akala niya ay makakaboto siya ngayong araw.

“Hinanap ko yung pangalan ko sa list ng mga classroom… nakita ko naman sa voters ID ko yung sa presinto… pero wala naman ako doon sa list nila. Ngayon mayroon doon nag a-assist nagtanong ako sa kanila… kung bakit wala po ako sa list ninyo eh mayroon naman po akong voter’s ID. Ang paliwanag sa akin hindi daw po ako nakapag boto ng 3in1 [Plebisito]… aware naman ako na hindi ako nakaboto ng 3in1,” pahayag ni Mones.

Paliwanag naman ni Jomel Ordas ng Provincial COMELEC, hindi umano basehan ang hindi pag boto sa nagdaang plebisito bagkus ay dalawang beses na magkasunod na eleksyon na hindi naka boto.

“Hindi natin pinagbabasehan ‘yong 3in1 [Plebisito]… ang pinagbabasihan natin ay ‘yong 2016 na national and local, yung 2018 na barangay pati yung 2019 yun po ang pinagbabasihan natin,” saad ni Ordas.

Samantala, nagbigay naman ng paalala ang Provincial COMELEC kapag makakaranas ng ganitong sitwasyon.

“Unang-una ang gagawin nila pagdating nila sa mga voting center… ay mayroon po tayo doon voters assistance desk, mayroon po tayong PPCRV doon para mag assist at tanungin po nila kung saan sila naka rehistro kung anong presinto yung sequence number nila.”

“Kung halimbawa po na hindi parin nila ma-verify p-puwede po sila mismo tumungo doon sa election officer para ma-verify ng husto,” pahayag ni Ordas.

Exit mobile version