Isa ang napaulat na binawian ng buhay sa naganap na sunog sa Barangay 3, Roxas, Palawan ngayong araw.
Kinilala ang biktima na si Kit Roger Medina, 21 taong gulang, binata at anak ng may-ari ng nasunog na bahay.
Sa impormasyong nakalap ng Palawan Daily News team, nagsimula ang sunog pasado 12 ng tanghali mula sa bahay ng pamilya Medina na kadikit lamang ng mga tindahan ng motor at appliances.
“Itinawag sa [Bureau of Fire Protection-Roxas] ng 12:31 ng tanghali and then nag-respond kaagad sila. Pumunta kaagad sila sa area [at] nag-declare ng fire out ng 1:43 ng hapon,” ayon kay Kgd. Pedy Sabando, Vice Chairman ng Committee on Peace and Order ng bayan ng Roxas sa pamamagitan ng isang phone interview.
Sa kasalukuyan ay wala pa ring naibigay na impormasyon ang mga kinauukulan hinggil sa sanhi ng sunog at sa halaga ng pinsala sapagkat nagpapatuloy pa ang isinagawang imbestigasyon.
“So far, sa tawag sa akin ng BFP-Roxas kanina, ongoing ang investigation. Di pa nila ma-pinpoint kung ano ‘yong cause of fire,” ani Sabando.
Wala naman umanong iba pang nadamay na establisyemento o kabahayan sa nasabing lugar bunsod ng naganap na sunog.