Isang returning overseas Filipino o ROF mula sa bayan ng Narra ang nagpadala ng mensahe sa Palawan Daily kahapon, June 29, hinggil sa umano’y “nakakabahalang protocol” ng paghandle ng Provincial Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagpapauwi sa kanila kasama ang mga l ocally stranded individuals o LSIs.
Sa mensaheng pinadala ng ROF na hiniling na wag nang pangalanan, sinabi nito na lubha silang nabahala sa ginawang umano’y sabay-sabay na pagsagawa sa kanila ng Rapid Testing kasama ang mga LSI sa isang pasilidad sa Barangay Irawan, Puerto Princesa.
Ikinuwento din ng ROF ang kanyang pinagdaang mga proseso para makauwi sa probinsiya. Ayon sa kanya, siya ay halos sampung araw na natili sa Maynila habang hinihintay ang isasagawang swab test sa kanya at sa mga kasamang ROF.
Nang matanggap ang resulta ng swab test kung saan siya ay nag-negative, sila umano ay nag-hintay na naman ng ilang linggo bago nakakuha ng scheduled flight upang makauwi sa Palawan.
Sakay ng eroplanong itinalaga para lamang sa mga ROF na kagaya niya, sila ay dumating sa Puerto Princesa, ngunit, laking dismaya umano niya at ng mga kasamang ROF ng pagbaba ay idiniretso sila sa testing facility sa Barangay Irawan kung saan sila ay inihalo na sa mga dumating ding LSI ng araw na iyon.
“Nawala ‘yung protocol. Nag swab test kami, negative. Nag rapid test kami, negative din kami, tapos isasama nila kami sa mga LSI na rapid test lang ang ginawa. Ang protocol ng OWWA hiwalay dapat ang ROF at LSI kahit naman siguro dito ganoon din. Paano kung may positive na nakalusot, damay damay na? Maling mali ‘yung ginawa nila dito sa amin,” ani ng ROF.
Dagdag niya, nangangamba umano siya at ang kanyang mga kasamang ROF sapagkat ang mga LSI ay sumailalim lamang sa rapid testing na hindi umano 100% accurate ang resulta.
“Naka private plane kami umuwi ng Pinas kasi hindi allowed na sumama kami sa mga LSI kasi rapid test lang ang meron sila. At ‘yang rapid test na’ yan e hindi naman legit ‘yan,” ani ng ROF.
“Noong nag swab test kami at lumabas’ yung result, tinago kaagad kami ng OWWA kasi mga negative na kami. Baka mahawa pa raw kami. Tiniis namin ‘yung sa Manila halos ten days. Tapos pag dating dito, parang wala na lang,” dagdag niya.
Matapos ang isinagawang rapid test kasama ang mga LSI, sila ay nag-hintay ng sasakyan pauwi sa Narra ngunit, laking dismaya na naman umano nila ng malaman na sila ay pagsasamahin din pauwi kasabay ng mga LSI.
“Hindi kami sabay sabay dumating ng Palawan. Sinundo kami ng bus sa mga hotel namin 12 midnight wala ng tulog tulog kasi ang flight namin 7 AM. Tapos dumating kami ng 9:15 AM, dumiretso na kami ng Irawan para mag rapid test. Natapos na lahat. Na sundo na lahat ng munisipyo kami nalang naiwan mga taga Narra, ” ani ng ROF.
“Dumating ‘yung sundo namin ng 3:30 PM at sinasabi nila sa amin hintayin daw namin yung mga LSI. Hanggang sa inabot kami ng 6 PM. Tapos ngayon sa quarantine magkakasama kami ng mga LSI,” giit ng ROF.
Sa ngayon ay nasa ilalim na sila ng 14-day facility quarantine sa Narra Lagoon ng nasabing munisipyo kasama ang mga kasabay na LSI.
Samantala, nang tanungin naman ng Palawan Daily kung ano ang estado nila sa naturang pasilidad, sinabi ng ROF na sila ay binigyan ng hindi kanya-kanyang kwarto kundi ng mga relocation tents na nakatirik sa loob ng pasilidad.
Nang ito ay ipaabot ng Palawan Daily sa opisina ng DILG Narra ngayong araw, kung saan aming nakapanayam si Leny Escaro MLGO ng Narra, sinabi nito na ito ay kanyang ipaabot at tatalakayin sa isasagawang pulong kasama ang iba pang agency na bumubuo sa Narra IATF bukas, July 1.
Inamin din ni Escaro na maraming challenges pa ang kinakaharap ng mga munisipyo sa pagpapauwi ng mga kababayan.
“Very challenging kahit sa vehicle, facilities, budget natin. Mahirap gumalaw. Ako naman more on advisory lang sa LGU. Pero the way na nakikita namin ang sitwasyon, nakakalungkot. Kasi halos wala na tayong resources, tapos hindi pa tapos ang laban. Ngayon pa lang ang tunay na laban,” ani Escaro.
Ayon naman kay Christian Vergara, tumatayong operation head ng Narra Municipal Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sinabi nito na ang Standard Operating Procedure o SOP ng Provincial Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ay isailalim sa rapid testing ang lahat ng ROF at LSI na pauwi bago pauwiin sa kani-kanilang munisipyo.
Sinabi rin ni Vergara na bihira naman daw umanong magkasabay ang pagdating ng mga ROF at LSI.
“Parang naging SOP na nang province ‘yung ganoon na i-check muna lahat ng bagong dating para in case na may nag positive doon, hindi ko lang alam kung iho-hold muna nila doon bago pauwiin sa munisipyo,” ani Vergara.
Sa punto naman ng pagsama-sama ng mga ROF at LSI sa kanilang mga pasilidad sa Narra, sinabi ni Vergara na bago pa man papasukin ang mga ito ay nagsasagawa sila ng briefing para sa health protocols na dapat sundin ng mga ito sa kanilang 14-day quarantine.
“Kahit naman sabihing andiyan sila sa loob mayroon naman tayong health protocols na sinusunod. So talagang dapat i-protect na ang mga sarili nila. Mag mask, social distancing,” ani Vergara.
Sinabi rin ni Vergara na restricted ang pagtanggap ng mga bisita ng mga naka-quarantine sa mga pasilidad, maging sa mga kapamilya.
Nang tanungin ng Palawan Daily kung ano ang mga pagsubok na kinakaharap ng opisina, sinabi ni Vergara na sa kanyang pananaw ay mayroong lack of coordination sa parte ng mga passenger carriers at Provincial Emergency Operation Center (EOC) sapagkat madalas umano ay hindi accurate ang mga nairereport na bilang ng mga parating na mga kababayan.
“May poor coordination kasi in between aircraft and vessels. Late na masyado napapasa ‘yung info sa Provincial EOC. Kapag natanggap na ng EOC, ivavalidate pa nila’ yun kung taga saan talaga. So pag naubosan sila ng oras, kung ano lang ‘yung naibato sakanila,’ yun lang din ang ibaba nila sa mga LGU, “ani Vergara.
Sa ngayon, ayon kay Vergara ay nasa mahigit 250 na ang bilang ng mga kababayan nilang ROF at LSI na napauwi sa bayan ng Narra.
Ang mga ito ay naka-quarantine sa ngayon sa ilang mga lokal na paaralan, Narra Lagoon, ilang day-care centers at pasilidad sa munisipyo.
Samantala, sinubukan namang hingan ng pahayag ng Palawan Daily si Jerry Alili, PDRRMO Head, ngunit ito ay hindi sumagot sa aming mensahe habang sinusulat ang balitang ito.