Itinuturong mastermind sa pagpatay kay Magcamit, mariing itinanggi ang paratang

Maliban sa natatanggap na banta sa buhay kaya sumuko, isa rin umano sa mga dahilan ng pagsurender ng itinuturong utak sa pagpatay kay Eric Jay Magcamit na si Marcelino Delos Reyes Quioyo ay upang linisin ang kaniyang pangalan.

Sa impormasyong ibinahagi ng spokesperson ng Palawan Provincial Police Office na si PLt.Col. June Rhian, mariin umanong itinanggi ng suspek na si Quioyo na may partisipasyon siya sa pananambang at pamamaril sa abogadong si Magcamit kaya upang linisin ang kaniyang pangalan ay sumuko siya sa mga miyembro ng Special Investigation Task Group (SITG) Magcamit kahapon, Nobyembre 27.

Ang 68-taong-gulang na si Quioyo ay isang retiradong kawani ng pamahalaan, may asawa, magsasaka at kasalukuyang naninirahan sa Sitio Maran-ay, Brgy. Isugod, Quezon, Palawan.

Matatandaang sa Supplemental Complaint para sa kasong Murder na inihain sa Palawan Provincial Prosecutor Office noong Nobyembre 25, 2020, isinama si Quioyo sa hanay ng mga suspek.

Habang isinusulat naman ang balitang ito ay nananatiling nasa ilalim si Quioyo sa protective custody ng SITG Magcamit, partikular sa Criminal Investigation and Detection Group-Palawan PFU.

Exit mobile version