Itinuturong mastermind sa pagpatay kay Magcamit, sumuko ngayong araw

Sumuko sa Special Investigation Task Force (SITG) Magcamit ngayong araw ang itinuturong utak sa pagpatay kay Atty. Eric Jay Magcamit sa Bayan ng Narra kamakailan.

Sa update na ibinahagi ng OIC ng Palawan Police Provincial Office (PPO) na si Deputy Regional Director for Operations PCol. Nicolas D. Torre III, kaugnay sa kasong pamamaril sa abogadong si Magcamit ay sumuko kaninang 3 pm ang nasabing suspek na si Marcelino Quioyo.

Ayon pa sa mga awtoridad, nangangamba umano si Quioyo para sa kaniyang kaligtasan kaya nais niyang isailalim siya sa protective custody ng pulisya.

Sa ngayon ay isinailalim siya ni SITG Commander PCol. Torre sa kustodiya ng PNP-Crime Investigation and Detection Group (CIDG)-Palawan PFU.

Matatandaang sa naunang impormasyong ibinato ng pulisya sa media kahapon, naunang kinasuhan sa Provincial Prosecutor’s Office si Quioyo noong Miyerkules, Nobyembre 25, kasama ang iba pang suspek.

Naiulat din na nagsilbi niyang bodyguard ang naarestong pulis na si PSMS. Ariel Pareja na sa ngayon ay nasa ilalim naman ng “restrictive custody” ng Palawan PPO. Nasangkot sa kaso ang suspek na si Quioyo dahil sa hidwaan sa lupa kung saan kliyente ni Magcamit ang kabilang partido.

Exit mobile version