Kahilingang 72-hour TEPO ng mga kontra sa coal project, kinatigan ng korte

Makalipas ang ilang oras na maihain ang class suit kontra coal-fired power plant project kahapon ay agad ding nagpalabas ang hukuman ng 72 oras na Temporary Environmental Protection  Order (TEPO) na isa sa mga kahilingan ng mga petitioner.

Sa TEPO na ibinaba ni Regional Trial Court Branch 51 Presiding Judge Angelo Arizala bilang tugon sa isinampang “verified Petition for Environmental Protection Order” at “Writ of Continuing Mandamus” ng ilang mamamayan ng Narra at NGO, ipinaliwanag ng hukom na mahihinuha sa laman ng Petisyon na lubhang mahalaga ang nasabing usapin na kapag hindi napagbigyan ang mga petitioner ay mararanasan nila ang “grave injustice” at hindi na maiaayos pang pinsala.

LAYUNIN NG TEPO

Partikular na nakasaad sa TEPO ang mapigilan ang DMCI Power Corp. (DPC) na magtayo ng coal-plant sa Brgy. Bato-bato, Narra, Palawan; ang DENR na ihinto na ang pagpapatupad ng Environmental Compliance Certificate (ECC) na iginawad nila sa DMCI at balikan nila ang Environmental Impact Assessment (EIA); ang Palawan Council Sustainable Development (PCSD) na kanilang rebyuhin ang Strategic Environmental Plan (SEP) clearance na iginawad  sa nasabing kompanya at tugunan ang rekomendasyon ng Scientific Advisory Panel (SAP) at si Vice Mayor at Acting Mayor Crispin Lumba na kumakatawan sa Tanggapan ng Alkalde ng Narra na ihinto na  ang pagbibigay ng mga permit o clearance na kahilingan din sa ibang mga ahensiya ng gobyerno.

Matatandaang ang nasabing mga naghain ng kaso kahapon ay ang “Calategas Irrigators Services Administration (CISA), Inc.” na kinatawan ng kanilang Presidente na si Teofilo Tredez Jr.; “Narranians No to Coal-fired Power Plant Movement” Adviser Juan Asis, Merly Lagan, Oliver Tredez,  Ramilito Dacasin, Silvestra Dadison, Renato Tundan at ang Center for Energy, Environment, and Development, Inc. laban sa DMCI Power Corp., DENR-EMB, PCSD, Narra Vice Mayor at kasalukuyang Acting Mayor Crispin Lumba  at sa ilan pang mga ahensiya ng pamahalaan.

Sa  52 pahinang kaso, kasama ang humigi’t 500 pahinang annexes at 51 pahina ng expert opinion, matapos ang summary hearing ay hinihiling ng petitioners na i-extend ang kapangyarihan ng TEPO hanggang sa matapos ang kaso. Kapag matapos naman ang trial ay i-convert ang TEPO sa panghabambuhay na Environmental Protection Oder (EPO) at  maglabas ng Writ of Continuing Mandamus.

MATATAGALAN?

Sa hiwalay namang panayam  kay ELAC Executive Director Gerthie Mayo-Anda na isa sa mga tumatayong abogado sa kaso kontra DMCI, binanggit niyang pinaghandaan na nila ang posibilidad na magtatagal ang pagdinig sa kaso.

Aniya, kahapon, matapos na maisampa ang kaso sa Court of Court(COC), ay ibinigay ito sa Environmental Court na kung saan doon ay babasahin ng hukom at magpapababa siya ng summon sa mga kinasuhan at bibigyan ng kopya ng kaso at kanila namang sasagutin.

“Sa tantiya namin, talagang exchange ng papeles pa ‘to hanggang November or October,” ani Anda.

Ipinabatid din niyang ang nakita ng kinuha nilang ekspero ay hindi maaayos na nailatag ng DMCI kung paano nila mangangasiwaan ang coal ash.

“Kung baga sa EIA na isinumite ng DMCI, maaraming pagkukulang—‘yan ang sinasabi ng expert natin. Ibig sabihin defective talaga, plus hindi sila (mga signatories) nakonsulta,” ayon  pa sa pinuno ng ELAC.

“Noong sinuri ng dalumbhasa namin, hindi masagot ng DMCI ‘yong usapin halimbawa ng mitigating if—‘yong water, papaano pangangasiwaan ang CO2. Technically, may deficient sa usapin ng pag-aaral ang DMCI sa pagsusuri nila sa epekto ng coal plant sa kapaligiran,” ani Anda.

PANGALAGAAN ANG PALAWAN

Ayon naman kay Juan Asis, mahalagang mapangalagaan ang kalikasan sapagkat wala namang political boundaries sa kung saan lang  na mga lugar ang mga maapektuhan kung saka-sakali.

“Kung ang hangin, papunta ro’n, lahat ng abo, papunta rin do’n. Kung papunta naman sa sur ‘yong hangin, doon din papunta ang abo. So, marami ang maapektuhan; di lang talaga ‘yong buong Narra o Aborlan. Unang-una, kapag sinabi nating Palawan, ‘yong biyaya ng karagatan dito, sagana. Nakaraarting sa kung saan-saan ‘yan—isa ‘yan sa mga tatamaan kung matutuloy ang coal plant kasi sisirain ‘yan ang mga yamang-dagat natin, alam na alam natin ‘yan, bakit pa nila pinagpipilitang ilagay ‘yan [dito sa Palawan]!” aniya.

Sa kabilang dako, ipinaliwanag din ni ELAC ED Anda na ngayon lamang nila naisampa ang kaso dahil natagalan silang kumuha ng mga kinakailangang dokumento.

“Dapat, isasampa ‘to ‘nong panahon ni Danao. Hindi naman namin akalain na masu-suspend si Danao. Kung baga, circumstantial na lang na si Lumba ‘yong acting [mayor ngayon ng Narra] pero ang original draft niyan, [kay Mayor] Gerandy Danao [naka-address] dahil natagalan kami sa [pagkuha ng kopya ng] ECC. Kakatanggap lang namin ng certified true copy ng ECC last week…inantay namin ‘yon kasi,” dagdag pa niya.

Hiling lamang ng grupo sa ngayon na  suportahan ang kanilang mga adhikain at samahan lamang silang manmanan ang kaso.

Samantala, maliban kay Anda, ang mga abogado  ng petitioners ay ang Environmental justice fellow ng ELAC na si Regina Bella Dioso at Alenz Avril de Torres na nakabase naman sa Quezon City bilang co-counsel.

Exit mobile version