Kawani ng City Engineering Department, patay sa aksidente

Agad na binawian ng buhay ang isang heavy equipment operator ng City Engineering Department kaninang pasado alas dos ng hapon nang sumalpok sa isang posteng halos nasa gitna ng kalsada na sakop ng Sitio Bayugon, Brgy. Tinitian, Roxas, Palawan.

Sa impormasyong ibinahagi ng Roxas Municipal Police Station (MPS), nag-self crash ang biktima na sakay ng kanyang motorsiklo na kinilalang si Joffrey Rellion.

Makikita rin sa mga larawang kuha ng Roxas MPS na nagtamo ng sugat ang biktima sa kanyang noo kahit may suot itong helmet at kumalat ang dugo sa paligid ng kanyang ulo.

Yupi rin ang posting kinasalpukan ng sinakyang motor ng biktima habang siya naman ay nakapatong pa rin sa kanyang motorsiklo at tila bali pa ang kaliwang kamay.

Ayon naman kay Danilo Vindo, katrabaho ng biktimang si Rellion, agad niyang tinungo ang pinangyarihan ng aksidente matapos na ipaabot sa kanyang kaalaman na naaksidente ang kanyang kasamahan dahil nagtaon naman umanong nasa Brgy. Langogan siya ng mga sandaling iyon.

Aniya, sumalpok ang sinakyang motor ng kanyang kasamahan sa poste na nakatayo sa panglimang lane ng six-lane highway na sakop ng Brgy. Tinitian sa Bayan ng Roxas.

Base umano sa posisyon ng biktima ay naglalakbay siya patungo sa munisipyo ng Roxas.

Dagdag pa ni Vindo, si Rellion ay isang regular employee ng City Engineering ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa at may posisyong Heavy Equipment Operator II simula 2018. Ang 40-taong gulang na biktima ay kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Sta. Monica na mula naman sa Bayan ng Aborlan.

Ipinabatid din niyang kaninang pasado 5 pm ay nakuha na Abot-Kamay ang bangkay ng biktima at nakatakdang ididiretso sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Samantala, sa ilang post ng mga Palawenyo ay tinuligsa ng mga netizen ang mga kinauukulan sa mabagal na aksyon upang matanggal ang poste sa gitna ng daan na ngayon ay naging mitsa sa buhay ng isang kawani ng pamahalaan.

Exit mobile version