Sa pamamagitan ng isang social media post ay naglabas ng sama ng loob ang kapatid ng isang locally stranded individual (LSI) sa Bayan ng Busuanga dahil sa pambu-bully umanong naranasan ng kanyang nakatatandang kapatid.
Base sa post ni Mhenn Dominguez noong Hunyo 26, walang laman ang food pack na natanggap ng kanyang kapatid. Ang masakit umano ay may nakasulat pang mga nakaiinsultong mga kataga sa labas nito gaya ng “Wala pong food si Sarah Manlabao; sagot ng parents niya” habang sa loob naman ay ang “kanin” at “alimango” ang makikitang nakasulat.
“Shout out nga po pala sa nagbigay nito sa ate ko!! Foodpack na walang laman at may nakasulat pa!!!! …. Sana po nabusog si ate. Sana po maraming blessings ang ibigay ni Lord sa gumawa neto! Salamat po sa tulong at effort! Maraming salamat. God bless!” sipi mula sa facebook post ni Dominguez na naka-tag din sa kanyang kapatid at sa dalawang iba pa.
Sa paniniwala ni Dominguez at ng kanyang pamilya, pinagkaisahan si Sarah ng ilan sa mga miyembro ng grupong nakatalaga sa COVID-19 kitchen ng LGU dahil sa nauna niyang post noong June 25 ukol sa panis na pagkain na inihain sa kanila na nagdulot pa umano ng pag-alburuto ng tiyan ng ilan sa mga LSI.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Bayan ng Busuanga na si Jonathan Dabuit, sa isang hiwalay na panayam, isolated case lamang ang nasabing insidente bagamat tiniyak niyang agad itong pinaimbestigahan ng alkalde nang mabatid ang nasabing isyu na naganap sa Brgy. Salvacion. Nasa pamilya na rin umano kung iaakyat pa ito sa pagsasampa ng kaso.
Dagdag pa niya, sa araw din mismong iyon ay agad na kinausap ng budget officer ang pinuno ng kitchen group at kanila ring pinagsabihan at kinausap ang mga kawani ngunit wala pa ring umaamin magpahanggang ngayon. Muli naman silang pinaalalahanan na huwag gumawa ng anupaman kahit ano pa ang gawin ng mga LSI.
“We’re doing our best na kung saan ay na-reprimand na namin ‘yon sila at saka ever since, ginagawa naman nila ‘yong magagawa nila…to make it sure na mai-deliver on time, maiayos ang mga pagkaing madadala [sa mga LSI],” ani Dabuit.
Ukol naman sa panis na pagkain, ayon pa sa spokesperson ng LGU, tanging si Manlabao lamang ang may reklamong ganoon at wala silang ni isang reklamong natanggap buhat sa ibang kasabayan niyang nabigyan din ng pagkain.
Kaya ani Dabuit, sana umano ay ipinaalam na lamang ni Manlabao sa kapitan ng Brgy. Salvacion na kanila rin namang kamag-anak o sa sinumang otorisado sa halip na mag-post sa social media.
“Tingin namin, naghalo ‘yong pagkaing luma sa tanghali, tapos naihalo ‘yong mga natira, kanin halimbawa nahalo. Kasi nakalagay ‘yan sa styrofoam na pack, eh baka hindi agad nakain, so, mai-spoil talaga ‘yong pagkain,” paliwanag ni Dabuit.
Sa kabila nito, tiniyak ni Dabuit na hindi nila palalagpasin ang sinumang nasa likod ng pag-iinsulto sa nasabing LSI.
Binigyang diin naman ng opisyal na mahalagang malaman kung sino ang nasa likod ng insidente subalit sa ngayon, kailangang magpokus ang munisipyo sa pagpapatuloy ng serbisyo sa publiko.
“Kasi ang feeling namin, isolated case naman ‘yon na pwede namang ayusin, eh ang personnel namin, kapag ang-aklasan ‘yan, almost 300 ang pinapakain namin araw-araw, baka wala kaming makuhang magluto kapag pinuwersa mo ‘yan o pinagalitan ng todo, mahirap on our part,” saad pa niya. “So, we are trying to balance things out.”
Kapag maulit naman umano ang insidente, pakiusap niya sa mga LSI na makipag-ugnayan lamang sa mga kinauukulan, gamit ang hotline na ibinigay sa kanila.
“Alam naman po nila ang hotlines natin. Alam naman nila kung saan tatawag kapag may problema, kasama po ‘yon sa orientation natin sa kanila,” aniya.
Samantala, nakatakda rin umanong mag-usap ang LSI na si Sarah at si Busuanga Mayor Beth Cervantes kapag natapos na ng una ang kanyang 21- day quarantine sa unang linggo ng Hulyo.