Noong ika-28 ng Agosto 2024, matagumpay na idinaos ang Young Leaders Assembly sa Event Center ng SM City Puerto Princesa, bahagi ng pagdiriwang ng Puerto Princesa Youth Festival 2024. Dinaluhan ito ng humigit-kumulang 600 kabataang lider mula sa iba’t ibang paaralan at youth organizations sa lungsod.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni SK Federation President Karl Dylan Aquino ang mahalagang papel ng mga lektura sa pagtuturo ng mga bagong kaalaman na magagamit ng mga kabataang lider, hindi lamang sa kanilang mga organisasyon kundi pati na rin sa kanilang personal na buhay. Hinimok niya ang lahat na aktibong makinig at makilahok sa mga sesyon.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si City Youth Development Officer Ralph Richard Asuncion sa lahat ng dumalo, gayundin sa mga tagapayo ng iba’t ibang organisasyon. Pinasalamatan din niya ang mainit na suporta ng Punong Lungsod na si Lucilo R. Bayron, pati na sina Konsehala Judith Raine Bayron, Konsehal Patrick Hagedorn, at Konsehal Karl Aquino. Binanggit ni CYDO Asuncion na hahatiin ang mga kalahok sa tatlong grupo upang mas maging malalim ang kanilang pakikinig sa mga resource speakers.
Sa mga breakout sessions, tinalakay ng grupo mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang usaping cybersecurity. Samantala, ang grupo mula sa Population Control Division ng City Health Office (CHO) ay nagsalita tungkol sa adolescent health, Teenage Pregnancy, at ang mga epekto ng pre-marital sex. Nagbigay naman ng impormasyon ang grupo mula sa Balay Silangan Center ng CHO hinggil sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot o illegal drugs sa kabataan. Ang City Youth Development Office naman ay nagbahagi ng kaalaman ukol sa Youth Organization Registration Program (YORP) ng National Youth Commission.
Namahagi rin ang CYDO ng notebooks at tumblers sa mga kalahok, at nagpalabas ng ilang short films mula sa Isla Pelikula ng Infinite Digital Media and Techmart Solutions. Isang Zumba session ang isinagawa, pinangunahan ni Zin Pax.