Kinakalampag ngayon ng mga residente ng Green Island sa Brgy. Tumarbong, Roxas ang mga kinauukulan na buksan na sa lalong madaling-panahon ang proyektong patubig sa kanilang lugar bilang katugunan sa problema nila sa inuming-tubig na ilang dekada na rin nilang iniinda.
Ang proyekto na ang istruktura ay sinimulang itayo noong nakaraang taon ay ang Reverse Osmosis Desalination Water System na may kakayanang gawing matabang ang tubig na dating maalat. Manggagaling ang source ng tubig mismo sa isla, sa eastern part nito kung saan natagpuan ang matabang na tubig kumpara sa iba pang bahagi ng lugar.
Matatandaang kabilang ito sa mga ipinangako ni incumbent Palawan Gov. Jose Chaves Alvarez (JCA) sa mga residente ng nasabing lugar noong panahon pa ng mga naunang kampanyahan, na bibigyan sila ng malinis at maaasahang source ng tubig. Kabilang din dito ang pagtatayo ng tulay na magdudugtong sa mainland Roxas sa Green Island na pinakamalayong isla ng nasabing munisipyo na ang komento ng iba ay “suntok sa buwan.”
“Si Gov. Jose Alvarez, ‘yan po talaga ang pinangako po niya talaga na ang isla, magkakaroon ng patubig, pailaw at saka ang last na ipinangako niya ay pagagawaan niya ng daanan [na magdudugtong] ng mainland [Roxas] at saka dito (Green island),” pahayag ng isang residente na si Candelaria “Neng” Abelita.
MATAGAL NG PROBLEMA NG MGA MAMAMAYAN
Sa kasalukuyan ay patuloy na iniinda ng mga mamamayan ang may kamahalang presyo ng mineral water na umaabot sa P60 kada container na magagamit depende sa laki ng pamilya. Sa alat ng tubig mula sa mga balon, bumibili rin ng tubig ang mga residente roon mula sa Water District ng Bayan ng Roxas na nabibili nila sa mga tindahan sa halagang P40 kada container na ginagamit naman nilang pangsabaw sa ulam, pagsasaing, pagpaiinit ng tubig at minsan ay panligo.
Pasakit ang dulot ng kawalan ng maayos na patubig para sa mga residente. Sa kaso ng mangingisda at seaweed farmer na si Abelita, gumagastos sya ng P280 kada linggo para sa mineral water pa lamang, maliban pa sa tubig gripo na kanila ring binibili.
Panawagan ni Abelita, matuloy na sana ang patubig nang sa gayon ay makaranas sila ng kaginhawaan lalo ngayong limitado ang pagkakakitaaan dahil sa pagkalusaw ng mga seaweed sa hindi pa malamang dahilan.
“Sana matuloy na ‘yan kasi matagal na rin, nakabinbin pa, hanggang ngayon ay wala pa rin ang patubig nila na ‘yan—natapos na lang ‘yong 2020. Ngayon 2021 na, sana ‘yong patubig na ‘yan ay maipaagos na nila at ‘wag na nilang patatagalin pa.”
Sa ngayon, maituturing na aniyang biyaya ng langit kapag umuulan dahil nakapag-iipon sila ng matabang na tubig.
“Natutuwa ang [mga] tao kapag umuulan kasi nakakasahod, makaiipon ng tubig, hindi na makabili. Akalain mo ‘yon, bibili ka sa isang container, sa gripo, P40!?—isang araw lang ‘yan. Araw-araw, bibili ka. Saan ka kukuha ng P40 araw-araw kung wala namang income ang halos pamilya mo,” ayon pa sa ginang.
Sa gitna naman ng panawagan nilang mabuksan na ang proyekto ay ang kahilingan din sa mga kinauukulan na ibigay ito sa kanila sa abot-kayang presyo.
“Wag naman silang maningil ng malaki dahil ang pagkaalam ko sa Johnson [Island], at saka dito sa Cabugan, malakas ang tubig pero malaki ang binabayaran per cubic. Tingin ko, parang negosyo rin ang tawag nila rito sa patubig na ‘to tapos siyempre ang aanuhin nila sa tao, malaki ang sisingilin nila dahil galing pa sa mainland [Palawan] ang tubig. Siyempre isla ‘to, ang pagkakaalam ko riyan, sisingil sila ng malaki talaga per cubic,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi na kakayanin pa ng mga tagaroon kung magiging mataas ang singil sa patubig kapag naging operational na kaya ang panawagan nila ay “karapat-dapat [lamang na presyo] na kaya dito sa isla dahil naghihirap na rin talaga ang tao sa isla.”
Nagpapasalamat naman aniya sila sa Provincial Government at sa Municipal Government ng Roxas na nagkaroon na sila ng naturang proyekto ngunit sana umano ay “Wag namang gawing negosyo na sobrang taas ng singil nila.”
“Alam mo, ang ikinatatakot ko sa patubig na ‘yan kasi matatapos na ‘yong termino ni Gob. JCA, baka hindi na ‘yan matutuloy,” komento pa ng ginang.
‘ANG NUMBER ONE PROBLEM NAMIN DITO… AY TUBIG-INUMIN’
Ang lahat namang sinabi ni Gng. Abelita ay sinusugan ng isa pang residente na si Arman Sombe, dating kawani ng media na ngayon ay isa ng fulltime businessman.
“Ang number one problem namin dito, ang concern namin ay tubig-inumin, at gano’n din tubig sa bahay. Dahil po rito, may itinatayo ng desalination [water system project] para po magkaroon ng tubig dito sa Green Island na magiging beneficial sa amin na mga consumer dahil importante po sa amin ‘yong tubig, ‘yon nga lang sa patubig project na ito, mukhang matagal na ay hindi pa rin natatapos. So, hindi namin alam kung hanggang kailan kami maghihintay….,” ani Sombe.
Giit niya, tubig na pwedeng mainom ang lubhang kailangan ng mga mamamayan doon dahil matagal na aniya silang bumibili ng tubig “na napakamahal na galing pa sa mainland.”
“Natutuwa kami na nagkaroon ng project dito ang ating Provincial Government….Nagpapasalamat kami sa project na itinayo pero nalulungkot ang marami na hanggang sa ngayon ay tila hindi natatapos. So, umaasa kami na matutugunan, na sa lalong madaling panahon ay matapos na ang project na ito nang sa gano’n ay makatulong naman sa amin,” aniya.
Sa kabila nito, nagtitiwala naman umano silang ipatatapos ito ni Gov. JCA ngayong taon.
“Willing po kaming magbayad dahil ang lahat naman ng project ay may katapat na kabayaran, lalo na sa patubig. Willing naman kaming magbayad sa presyong kakayanin naman ng bawat residente rito dahil kung medyo mataas, masyado namang mabigat para sa amin,” ayon kay Sombe.
Ayon naman kay Barangay Kagawad Joemarie Argonzola na residente rin ng Green Island, tinatayang 70% nang tapos ang proyektong patubig sa kanilang lugar.
“[Sa kasalukuyan,] natapos na ‘yong building at tangke. Ngayon, nagtatrabaho na naman sila para sa paggawa ng mga filter at paglatag ng mga tubo,” dagdag pa niya.
SAGOT NG KAPITOLYO
Ayon naman kay Palawan Provincial Engineer at Head ng Infrastructure projects ng Pamahalaang Panlalawigan na si Engr. Saylito Purisima, inaasahan na magagamit na ang proyektong patubig itong unang quarter ng taon.
“This project will operate by March [this year]. Itong desalination plant sa Green island will be commissioned towards the end of February kasi ang inaantay natin dito, ‘yong equipment coming from Japan—‘yong Reverse Osmosis Equipment na parating by mid of February. So, immediately upon installation, iko-commission, so, by March, sure na ito magiging operational [na],” ani Engr. Purisima.
Aniya, ang proyekto ay may kabuuang pondo na P15 milyon. P10 milyon ay ginamit para sa pagbili ng equipment habang ang P5 milyon naman ay ginastos sa tangke, sa warehouse at mga tubo. Kapag nagsimula nang mag-operate ang planta ng walong oras kada araw, may kakayanan itong makapagbigay ng 15 cubic meters o 15,000 litro ng tubig kada araw at pamamahalaan ng dalawa hanggang tatlong katao.
“Japan technology ito. Alam mo naman, all over the world, ang Japan is nangunguna sa desalination plant. Magandang technology ito, talagang malaking development ito at saka comfort and convenience doon sa Green Island,”saad pa ng head ng Provincial Engineering Office (PEO).
TULONG NG PROYEKTO
“Ang kagandahan dito, ang cost ng water dito, per container is only P25 compared per container ng mga refilling station sa mainland Roxas na P35 ‘yon. So, it’s a little bit cheaper by P10 per container. Ngayon, at present, nagbabangka ‘yong mga taga-Green Island, bumibili ng container ng potable water sa mainland,” ayon pa kay Purisima.
Dagdag pa ng hepe ng PEO, maglalagay din ng apat na refilling station sa Green Island upang madaling makabili ang mga residente gamit ang kanilang prepaid card. Nilinaw din niyang walang dagdag na gastos sa mga consumer ang pagbili ng prepaid card dahil bahagi na ito ng project cost.
“Parang sa cellphone ba na gagamitin mo hanggang sa maubos ‘yon. Halimbawa, P25 [na halaga per container], kuha ka ng prepaid card na P100, [at] punta ka doon sa refilling station ng Green Island, i-swipe mo at lalabas ang isang container, kung gusto mo maubos lahat ang laman ng prepaid card mo,” aniya. “Based on utilization [kasi] ‘yon.”
RASON NG TAGAL NG PROYEKTO
Sa katanungan naman ng mga tao kung bakit tila natatagalan na matapos ang proyekto, ipinaliwanag ni Engr. Purisma na nagkaroon ng prioritization base sa mga programa ni Gov. Jose Alvarez.
“Yong may bigger impact, ‘yon ang inuuna. Kung saan na may maraming tao na magbe-benefit sa project, ‘yon ang tina-target natin una]. So, hindi ibig sabihin nito na hindi importante ang Green Island, but based on our prioritization, hindi lumabas na priority number one ang isla. But nevertheless, this is a commitment of the Governor — to provide potable water and this project is being done and soon to operate….,” aniya.
“So, magandang balita ito, [kapag mag-opearte na ito ay] hindi na kayo pupunta ng bayan para sumakay ng bangka, dadala ng container, bibili ng tubig. So, doon na mismo sa island n’yo, mayroon na kayong maiinom,” Ani Engr. Purisima.
Ayon pa kay Engr. Purisma, oras na magsimula ang operasyon, ito ang magiging kauna-unahang desalination plant na itatayo sa Palawan.
“[Ito ang kauna-unahan] sa ngayon pero marami pang island [sa mainland municipalities] na naka-pipeline na lalagyan ng desalination; pinag-aaralan pa namin ‘yon,” aniya.