Sa kabila ng paghina ng ilang negosyo sa Lalawigan ng Palawan dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, hinihikayat ng Sangguniang Panlalawigan ang ilan na hindi umano masyadong naapektuhan na kumpanya partikular ang mga minahan na tumulong sa iba’t ibang aspeto lalo na sa pagbibigay ng bakuna kontra sa nasabing virus.
“Inuna lang natin ang mga minahan pero actually ang direksyon ng Liga ng mga Barangay [ay] yung may mga existing na business establishment na kumita. Alam ko naman kahit papaano yung mga minahan eh tinamaan sila because nag-slow down [yung operations nila] pero madali kasi makabangon ang minahan because may produkto silang kinukuha and the ine-export nila and then hindi naman gaanong bumaba yung demand. Sabi ko maghingi tayo ng tulong sa kanila,” ani Ferdinand Zaballa, Liga ng mga Barangay President at Ex-Officio Board Member.
Ayon pa kay Zaballa, hindi sila humihingi ng limos kundi paraan umano nila ito para matulungan ang kanilang mga nasasakupan sa inaasam na bakuna.
“Actually, hindi naman namamalimos ang Palawan [kumbaga] tina-tap lang namin [yung mga negosyante]. Isa yan sa trabaho namin na maghanap [ng] sources [ng] pondo, pribado man o publiko, para makatulong sa mga mamamayan. So yun talaga ang deriksyon…ramdam namin lalo na sa Barangay… Anong mangyayari sa amin? [kasi kami ay] last priority sa bakuna so kailangan nating mag-tap,” dagdag pa nito.
Aminado rin si Zaballa na kahit anong gawin ng lokal na pamahalaan ay hindi sasapat ang kanilang malilikom na pondo para lahat ng mamamayan sa lalawigan ay mabigyan ng COVID-19 vaccine.
“Hindi lang ang pag-uusapan natin dito ay bakuna [kundi] ano pa ang puwedeng [gawing] interbensyon nung ating mga namumuhunan dito, kasama na ang minahan dito sa problema, sa bakuna [para sa mga mamamayan] ng Palawan…kahit kasi bali-baliktarin natin yan [ay] kulang at kulang ang pondo ng Barangay, Munisipyo, Probinsya at ng National government sa pag-procure ng bakuna,” pahayag ni Zaballa.
Samantala nais ipatawag umano ng mga lokal na mambabatas sa lalawigan ang mga representante ng mga minahan upang mapag-usapan ang kanilang panukala.
“Ipapatawag pa namin sila sa susunod naming Committee hearing o sa sesyon…at doon namin babalangkasin kung ano talaga ang pwede nilang maibigay na tulong. Puwedeng bakuna, paghahanda sa pagdating ng bakuna kasi gagastusan yun, [o] yung information dissemination.”