Pinaaalalahanan ni Provincial Information Officer Winston Arzaga ang mga mamamayan na maging mapanuri sa mga kumakalat na balita kaugnay sa pagtatatag ng tatlong probinsya sa Palawan.
Aniya, may ilan na tumututol sa pagkakaroon ng tatlong probinsya kaya naglalabas sila ng mga pekeng balita na umano’y nagiging dahilan upang magdulot ng kalituhan sa mga Palaweño.
“Sa ating mga kababayan, maging mapanuri tayo. Maraming fake news na mga lumalabas. Maraming mga news na half truth o hindi buong katotohanan ang nilalabas…,” Ani Arzaga.
Hiniling din nito na maging mapanuri at tignan ang bawat aspeto ng epekto ng pagkakaroon ng tatlong lalawigan sa Palawan na siyang magiging gabay ng bawat isa sa oras ng botohan.
“…sana po ay maging mapanuri ang ating mga kababayan nang sa gano’n ‘pag dumating ang tamang panahon [nang botohan sa plebisito] na sila po ay makapagdesisyon nang tama para sa kinabukasan ng ating lalawigan.” Karagdagang pahayag ni Arzaga.
Samantala, inaasahan sa unang kwarter sa susunod na taon, 2021, ay isasagawa na ang pagboto sa plebisito ng mga mamamayan sa mga munisipyo kung sang-ayon o hindi sila sa pagkakaroon ng tatlong probinsya na tatawaging Palawan Del Sur, Palawan Oriental at Palawan Del Norte.