Nakatakdang hilingin ng pamunuan ng Bayan ng Busuanga ang mas maigting na pagpapatupad ng community quarantine sa buong munispyo, ayon sa tagapagsalita ng LGU na si Jonathan Dabuit.
Sa isang phone interview, kinumpirma ni Dabuit na sa pagpupulong ng COVID-19 Municipal Task Force (MTF) at ng mga punong barangay kahapon, sinimulan nang balangkasin ang mga bagong polisiya na ipatutupad sa buong Busuanga sa mga susunod na araw. Ang nasabing polisiya ay alinsunod sa pag-iingat na isinasagawa ng munisipyo para maiwasan ang pagdami ng kaso sa bayan lalo’t dalawa lamang sa labing apat na barangay sa Busuanga ang walang naitalang locally stranded individuals (LSI).
“Ang 39 na LSI na na-swab [lang ngayong araw], lahat sila naka-barangay facilities, eh, lalahatin na namin ang buong Busuanga. Maglalabas kami ng bagong policies. Baka more or less ibabalik namin ‘yong paghihigpit, like ‘yong curfew, window hours, wala munang gatherings, and then authorized persons outside of residence (APORS) lang ang lalabas, walang 21 below and 60 and above [na lalabas],” paliwanag pa niya.
Ani Dabuit, ipadadala nila ang panukalang polisiya sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at sa inter-agency task force (IATF), para maibalik ang paghihigpit sa buong munisipyo.
“Mas palalakasin din natin ang [pagbabantay sa] coastal boundaries and monitoring ng coastal areas natin. Ili-limit lang din natin ang mga pupunta sa Coron [para sa] essentials lang muna, bawal pa rin ang angkas, at tsaka ‘yong mga checkpoint on vital locations gagawin po natin,” dagdag pa niya.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng Bayan ng Busuanga na hindi “lockdown” ang kanilang ipatutupad kung hindi pagpapalawig lamang ng monitoring at pagbabantay sa mga nasasakupan.