Produksyon ng asin sa bayan ng Dumaran, Palawan, tinututukan ng LGU

Pinagtutuunan ng pansin ng lokal na pamahalaan sa Brgy. Bohol, Dumaran, Palawan, ang paggawa ng asin. Isa kasi to sa sa mga salt production sites sa lalawigan.

Ayon kay Dumaran Mayor Arnel T. Caabay, malaking bagay umano produksyon ng asin sa kanilang bayan. Bagamat hindi umano kalakihan ang operasyon, nakakapag-supply na umano ito sa buong munisipyo at nakikitaan umano nila ng potensyal kaya kanilang binigyang prayoridad ang pagsasaayos ng operasyon.

“Nakita kasi namin noon na basag-basag ang kanilang mga salt bed. Ang ginawa ng LGU, nag-offer kami ng semento, sagot namin ang labor para ma-repair at para maging kapaki-pakinabang. From then on taun-taon, nag-o-operate na ‘tong asinan dito sa barangay Bohol.”

Photo from Kalusugang Palaweño

Dagdag pa ng Alkalde, dahil umano dito ay nagkaroon ng sapat na supply ng asin sa kanilang bayan at hindi na nila kailangan pang mag-angkat mula sa ibang mga munisipyo.

“Sa pamamagitan po niyan, sa halip na kumuha kami sa ibang munisipyo mayroon naman kami na pwedeng ma-produce. I-encourage namin ang mga salt maker.  At sa pamamagitan din nito pati bagoong maker ng barangay Bohol nakinabang dito kasama na ang karatig nitong barangay na Calasag.”

Para naman kay DOST Provincial Director Engr. Pacifico T. Sariego III, mayroon nang mga bagong kagamitan mula sa kanilang ahensya na makakatulong sa pagpoproseso ng asin sa Dumaran.

“Ang intervention natin dito ay doon sa post processing nila para makatulong na mai-iodized natin ang asin at maging malinis.  May na-procure na po tayo na set ng equipment, ito ay iodizing machine at salt washing machine para nang sa ganun ay mai-process na ang kanilang mga asin dahil ito ang kailangan ng mamamayan dito at magkaroon sila ng income.”

Ayon naman kay Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan, malaking bagay ang ipinaabot na tulong ng DOST sa bayan ng Dumaran upang mas maitaguyod ang produksiyon ng iodized salt.

“Since napag-alaman natin na malaki ang salt beds ng Dumaran, ito ang naging target natin na i-fortify ng iodine ang kanilang asin. Ito sana ang magiging source ng asin sa mga lugar na hindi available, at tayo sa nutrition [office] pwede tayo makatulong upang i-market ito sa mga far flung areas na hindi available ang iodized salt.”

Dagdag pa ni Paladan, ipinaliwanag nito ang kasalukuyang sitwasyon umano ng Palawan pagdating sa estado ng paggamit ng iodized salt sa lalawigan at ang batayan ng programang ito.

“Sa result po kasi ng NNS (National Nutrition Survey) ng FNRI (Food Nutrition Research Institute), lumalabas na dito sa Palawan marami tayong nakita na mayroong iodine deficiency. Itong asin na ito, sa ating paglilibot sa Palawan, hindi ito naging available sa market, since mahalaga ang iodized salt na makakuha tayo ng iodine everyday na kailangan ng katawan natin.”

Samantala, patuloy umano ito tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan alinsunod sa Republic Act No. 8172 o ASIN LAW na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1995. Layunin ng batas na maitaguyod ang paggamit ng iodized salt upang matugunan ang micronutrient deficiency dulot ng kakulangan sa iodine. Nakapaloob din sa batas na ito ang kautusan sa lahat ng mga salt manufacturers na tangkilikin ang pag-supply ng iodized salt sa merkado.

Exit mobile version