Iginiit ni Palawan Provincial Information Officer Winston Arzaga na walang kinalaman ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagtanggal ng mga tarpaulin sa bayan ng Culion na kontra sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya.
“Maliit na bagay ‘yan para pakialaman ng Provincial government lalo na nandoon sa Culion yan napakalayo. Hindi natin alam kung sinong gumawa niyan but definitely wala kaming policy na ‘hoy tanggalin natin yung mga nag no-No’ so kung tatanungin mo may kinalaman kami definitely wala po kaming pakialam. Hindi namin kino-condone yun and of course against din kami dyan kasi baka pati sa amin matanggal,”ani Arzaga.
Ayon pa kay Arzaga, posibleng ang COMELEC ang nagpatanggal nito dahil wala pa ang itinatakdang panahon ng pangangampanya para sa plebisto.
“Kasi kung kami maglagay baka pati kami matanggal, so lahat yan it goes both ways so dapat kung bawal sa isa bawal sa lahat na magtatanggal, isang punto yun. Pangalawa baka naman yung nilagay nila father Rick don mayroon parang nangangampanya na diba, baka may local COMELEC doon, itanong din nila kasi bawal pa yung paglalagay ng poster na ganyan kaya siguro nakita ng COMELEC yan baka inutusan ng COMELEC ‘ay tanggalin muna nyo yan kasi yung campaign period ay sa February 11 pa…tingnan nila ang anggulo na yun.” pahayag ni Arzaga.
Hindi naman naniniwala si Cynthia Sumagaysay Del Rosario ng One Palawan Movement na walang kinalaman ang mga nagsusulong sa paghahati ng Palawan sa nangyari.
“Dalawang bagay eh, una…mabuti naman nagpapakita ng stand si PIO Winston na sinasabi nya na walang kinalaman ang Provincial Government na ito ay hindi magandang gawain yung pagtatanggal ng tarpaulin pero doon sa kanyang opinyon na COMELEC ang nagpatanggal ito ay mali. Si PIO Winston Arzaga dapat mag-ingat sya sa pagsabi na COMELEC ang nagpatanggal dahil ito ay may supreme court decision…Ang supreme court ay nag rule na mali ang ginawa ng COMELEC sa pagtatanggal dahil nag violate sila ng freedom of speech and expression…ang kinatigan ng korte suprema ay yung church, yung mga bishop doon sa Bacolod City this is 2015,” ani Del Rosario.
Matatandaang naglabas ng hinaing si Father Roderick Yap Caabay, parish priest ng La Immaculada Conception sa Bayan ng Culion matapos ang pa ulit-ulit umano na insidente ng pagtanggal ng kanilang mga campaign materials kontra sa paghahati sa Palawan sa tatlong (3) probinsya.